TANONG NG MGA KABATAAN
Mahalaga Ba Kung Anong Musika ang Pinipili Ko?
“Habang nag-aayos ako, nagpapatugtog ako ng music. Pagsakay ko ng kotse, nagpapatugtog ako ng music. Kapag nasa bahay ako at nagrerelaks, naglilinis, o nagbabasa—nagpapatugtog ako ng music. Lagi akong nakikinig ng music.”—Carla.
Mahilig ka rin ba sa musika gaya ni Carla? Kung oo, matutulungan ka ng artikulong ito na makita ang mga pakinabang at ang mga panganib, at makapili ng tamang musika.
Mga pakinabang
Ang pakikinig sa musika ay kagaya rin ng pagkain. Parehong makakabuti ito sa iyo depende sa kung ano ang pinipili mo at kung gaano karami. Pag-isipan:
Nakapagpapaganda ng mood ang musika.
“Kapag pangit ang araw ko, nagpapatugtog ako ng paborito kong music at gumaganda agad ang pakiramdam ko.”—Mark.
Nagbabalik ng magagandang alaala ang musika.
“May mga kanta na nagpapaalaala sa akin ng magagandang karanasan, kaya napapangiti ako kapag naririnig ko iyon.”—Sheila.
Napagkakaisa ng musika ang mga tao.
“Dumalo ako sa isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, at nang kantahin ng lahat ng dumalo ang huling awit, napaiyak ako. Iba-iba ang wika namin, pero pinagkaisa kami ng musika.”—Tammy.
Nakakatulong ang musika para makapaglinang ng magagandang katangian.
“Habang nag-aaral kang tumugtog ng isang instrumento, natututo kang maging disiplinado at matiyaga. Hindi ito puwedeng madaliin. Magiging mahusay ka lang kung magpapraktis ka.”—Anna.
Alam mo ba? Ang pinakamalaking aklat ng Bibliya—ang Mga Awit—ay binubuo ng 150 kanta.
Mga panganib
Ang ilang musika, tulad ng kontaminadong pagkain, ay nakakalason. Alamin kung bakit.
Maraming kanta ang may malalaswang lyrics.
“Parang lahat na lang ng sikat na kanta ay tungkol sa sex. Hindi na nga nila ito ikinakahiya.”—Hannah.
Sabi ng Bibliya: “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo.” (Efeso 5:3) Tanungin ang sarili, ‘Nasusunod ko kaya ang payong iyan kung titingnan ang uri ng mga musikang pinakikinggan ko?’
May mga musikang puwedeng magpalungkot sa iyo.
“Kung minsan, ’pag nakahiga ako sa gabi, may napapakinggan akong music na nakakadepres at nakakalungkot. Kung ano-ano’ng naiisip ko ’pag malungkot ang music.”—Tammy.
Sabi ng Bibliya: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso.” (Kawikaan 4:23) Tanungin ang sarili: ‘Nalulungkot ba ako o nadedepres dahil sa musikang pinakikinggan ko?’
May mga musikang puwedeng makapukaw ng galit.
“Naaapektuhan ako ng mga musikang punô ng galit, pagkamuhi sa sarili, at poot. Napansin kong nagbabago ang mood ko pagkatapos kong makinig sa gayong musika. Napansin din ’yon ng pamilya ko.”—John.
Sabi ng Bibliya: “Alisin nga ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig.” (Colosas 3:8) Tanungin ang sarili, ‘Nagiging agresibo ba ako at walang pakialam sa iba dahil sa musikang pinakikinggan ko?’
Ang dapat gawin? Maging mapamili. Iyan ang ginagawa ng tin-edyer na si Julie. “Lagi kong tinitingnan ang mga music ko at dini-delete ang hindi maganda,” ang sabi niya. “Minsan mahirap, pero alam kong ito ang tama.”
Na-realize din iyan ng kabataang si Tara. Sabi niya: “May napapakinggan akong music sa radyo na maganda ang beat, pero kapag narinig kong hindi maganda ang lyrics, inililipat ko ang istasyon. Parang tinanggihan ko ang isang masarap na cake matapos kong tikman iyon! Pero kung nakaya kong tanggihan ang isang musika tungkol sa sekso, makakaya ko ring iwasang makipag-sex bago ako mag-asawa. Ayokong isiping walang epekto sa akin ang musika.”