Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Gaano Na Kalaki ang Epekto sa Akin ng Social Media?

Gaano Na Kalaki ang Epekto sa Akin ng Social Media?

 Pinapayagan ka ba ng mga magulang mo na gumamit ng social media? Kung oo, matutulungan ka ng artikulong ito.

Sa artikulong ito

 Paano nakakaapekto ang social media sa panahon ko?

 Kapag gumagamit ka ng social media, para kang nakasakay sa isang napakaliksing kabayo—kung hindi mo ito kokontrolin, ikaw ang kokontrolin nito.

 “Minsan, ilang minuto lang sana akong gagamit ng social media. Pero ’di ko namamalayan, ilang oras na pala ang lumipas! Nakakaadik ang social media at inuubos nito ang oras mo.”—Joanna.

 Alam mo ba? Talagang nakakaadik ang social media kasi ganoon ang pagkakadisenyo sa mga ito. Alam ng mga gumawa nito na kapag popular ang isang website at mas maraming tao ang bumibisita, mas marami ang magpapa-advertise dito. Kaya mas marami ang kikitain ng may-ari ng website.

 Tanungin ang sarili: ‘Madalas bang nauubos ang oras ko sa pagba-browse sa social media? Puwede ko kayang gamitin ang oras na iyon sa mas makabuluhang gawain?’

 Ang puwede mong gawin. Mag-set ng limit sa paggamit ng social media, at sundin iyon.

Mag-set ng limit sa paggamit ng social media

 “Nagse-set ako ng timer sa phone ko para kusang mag-off ang social media app na ginagamit ko. Sinunod ko talaga iyon. Kaya makalipas ang ilang panahon, nasanay na ako at hindi ko na nauubos ang oras ko sa social media.”—Tina.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”—Efeso 5:16.

 Paano nakakaapekto ang social media sa tulog ko?

 Sinasabi ng mga eksperto na kailangan ng mga kabataan ng walong-oras na tulog gabi-gabi. Pero maraming kabataan ang kulang sa tulog dahil sa social media.

 “Nagche-check ako ng phone ko bago matulog, pero nauuwi ito sa pagba-browse ng mga post sa social media hanggang sa mapuyat na ako. Alam kong hindi maganda iyon, kaya sinisikap kong ihinto ’yon.”—Maria.

 Alam mo ba? Kapag kulang sa tulog, posibleng magkaroon ng anxiety at depression ang isa. Ayon kay Jean Twenge, isang psychology professor, nagiging malungkot, matamlay, at wala sa mood ang isa kapag kulang sa tulog. Sinabi pa niya na “kung laging ganoon,” mauuwi ito sa “problema sa mental at emosyonal na kalusugan.” a

 Tanungin ang sarili: ‘Ilang oras ang tulog ko gabi-gabi?’ ‘Nagso-social media pa rin ba ako imbes na mag-relax bago matulog?’

 Ang puwede mong gawin. Subukan mong huwag magdala ng gadyet sa kuwarto mo bago matulog. Hangga’t maaari, huwag gumamit ng gadyet, dalawang oras bago matulog. Kung nag-a-alarm ka para magising, huwag mong gamiting alarm clock ang phone o tablet mo.

Huwag gumamit ng social media bago matulog

 “Minsan, napupuyat ako dahil sa gadyet. Pero pinipilit kong baguhin ’yon kasi gusto kong maging mature at mas responsable. Kailangan kong matulog nang mas maaga para masigla ako kinabukasan.”—Jeremy.

 Prinsipyo sa Bibliya: Tingnan “kung ano ang mas mahahalagang bagay.”—Filipos 1:10.

 Paano nakakaapekto ang social media sa emosyon ko?

 Sa isang survey, sinabi ng halos kalahati sa mga babaeng nasa high school na “madalas silang nalulungkot o pakiramdam nila, wala na silang pag-asa.” Social media ang isa sa posibleng mga dahilan. “Kung lagi kang gumagamit ng social media at ikinukumpara mo ang sarili mo sa iba, mas malamang na ma-depress ka,” ang sabi ni Dr. Leonard Sax. b

 “Normal na sa mga kabataan na ikumpara ang sarili sa iba, at pinapalala ’yon ng social media. Kapag tiningnan mo ang mga post ng iba, maikukumpara mo ang sarili mo sa kanila. At kapag tiningnan mo naman ang masasayang ginagawa ng mga kaibigan mo, pakiramdam mo, napag-iiwanan ka na.”—Phoebe.

 Alam mo ba? Nakakatulong ang social media para makausap mo ang mga kaibigan mo, pero mas maganda pa ring mag-usap nang personal. “Iba pa rin ang saya kapag nagkikita nang harapan ang mga tao kumpara sa pag-uusap lang gamit ang mga gadyet,” ang isinulat ni Dr. Nicholas Kardaras. “Hindi nito kayang tapatan ang saya na nakukuha kapag talagang kaharap mo ang iba at nagkukuwentuhan kayo.” c

 Tanungin ang sarili: ‘Nalulungkot ba ako kapag nakikita ko ang ginagawa ng mga kaibigan ko?’ ‘Iniisip ko ba na boring ang buhay ko kasi nakikita ko sa post ng mga kaibigan ko na parang ang saya-saya nila?’ ‘Nalulungkot ba ako kapag kaunti o wala man lang nagla-“like” sa post ko?’

 Ang puwede mong gawin. Subukan ang “social media detox.” Huwag kang gumamit ng social media nang ilang araw, isang linggo, o isang buwan pa nga. Dalasan mong makipagkuwentuhan sa mga kaibigan mo nang face-to-face o sa phone. Malamang na mapansin mong nababawasan ang stress mo at mas masaya ka.

Puwede mo bang dalasan ang pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan mo nang face-to-face?

 “Napapansin ko na kapag nagso-social media ako, masyadong akong naka-focus sa nagagawa ng iba. Pero no’ng nag-delete ako ng mga account ko, gumaan ang pakiramdam ko, at mas marami na akong panahon sa mas mahahalagang bagay.”—Briana.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos. Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.”—Galacia 6:4.

a Mula sa aklat na iGen.

b Mula sa aklat na Why Gender Matters.

c Mula sa aklat na Glow Kids.