TANONG NG MGA KABATAAN
Importante Ba Talaga ang Ating Asal?
‘Hindi naman nila ako ipinagbubukas ng pinto; bakit ko sila ipagbubukas?’
‘May iba pang mga bagay na dapat problemahin kaysa sa pagsasabi ng “pakisuyo,” “salamat,” at “excuse me.”’
‘Hindi ko kailangang magpakita ng magandang asal sa mga kapatid ko. Kapamilya ko naman sila.’
Sasabihin mo ba ang alinman sa mga iyan? Kung oo, sayang naman kung makalalampas sa iyo ang mga pakinabang sa pagpapakita ng magandang asal!
Ang dapat mong malaman tungkol sa asal
Sa pagkakaroon ng magandang asal, mapasusulong mo ang sumusunod na tatlong bagay:
Ang iyong reputasyon. Nagiging mabuti o masama ang impresyon sa iyo ng mga tao depende sa pakikitungo mo sa kanila. Kung maganda ang iyong asal, ituturing ka nilang mature at responsable—at ganoon din sila makikitungo sa iyo! Pero kung magaspang ka, iisipin ng mga tao na sarili mo lang ang iniintindi mo, kaya baka hindi ka matanggap sa trabaho at makalampas sa iyo ang ibang oportunidad. Gaya nga ng sabi sa Bibliya, “ang taong malupit ay nagdadala ng sumpa [o, kahihiyan] sa kaniyang sariling katawan.”—Kawikaan 11:17.
Ang iyong pakikipagkaibigan. Sinasabi ng Bibliya: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Totoong-totoo iyan pagdating sa pakikipagkaibigan. Gusto ng mga tao ang mga indibiduwal na mabait makitungo at may magandang asal. Sino ba naman ang gustong makisama sa isang taong magaspang o walang modo?
Ang pakikitungo sa iyo ng mga tao. “Kung lagi kang magalang,” ang sabi ng kabataang si Jennifer, “darating ang panahon na baka gumanda ang pakikitungo sa iyo kahit ng mga taong napakasama ng ugali.” Pero kung magaspang ka, kabaligtaran nito ang maaaring mangyari. Sinasabi ng Bibliya: “Ang panukat na inyong ipinanunukat ay ipanunukat nila sa inyo.”—Mateo 7:2.
Tandaan: Araw-araw tayong nakikisalamuha sa mga tao. Depende sa pakikitungo mo sa kanila kung ano ang magiging tingin at pakikitungo nila sa iyo. Sa simpleng pananalita, importante talaga ang iyong asal!
Kung paano susulong
Suriin ang iyong asal. Itanong sa sarili ang gaya ng: ‘Magalang ba ako sa matatanda? Gaano ako kadalas magsabi ng “pakisuyo,” “salamat,” o “excuse me”? Nadi-distract ba ako kapag may kausap ako—o baka nga nakikipag-text pa ako sa iba? Magalang ba ako sa aking mga magulang at mga kapatid, o masyado na akong pamilyar sa kanila dahil “kapamilya ko naman sila”?’
Sabi ng Bibliya: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”—Roma 12:10.
Magtakda ng mga tunguhin. Magsulat ng tatlong bagay na puwede mong pasulungin. Halimbawa, sinabi ng 15-anyos na si Allison na kailangan niyang “maging mabuting tagapakinig sa halip na laging [siya ang] nagsasalita.” Sinabi naman ng 19-anyos na si David na kailangan niyang matutong huwag mag-text kapag kasama ng mga kapamilya o kaibigan. “Kawalang-galang ’yon,” ang sabi niya. “Para ko na ring sinabi sa kanila na mas gusto kong makipag-usap sa iba kaysa sa kanila.” Sinabi ng 17-anyos na si Edward na kailangan niyang matutong huwag sumabad kapag may nagsasalita. At si Jennifer, na nabanggit kanina, ay nagdesisyong pasulungin ang kaniyang asal sa pakikitungo sa matatanda. “Noon, binabati ko lang sila ng ‘hello po’ at saka ako gumagawa ng paraan para makaalis at pumunta sa mga kaibigan ko,” ang sabi niya. “Pero ngayon, talagang sinisikap ko nang makilala pa sila. Nakatulong ito sa akin para mapasulong ko nang husto ang asal ko!”
Sabi ng Bibliya: “[Ituon] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Filipos 2:4.
Obserbahan ang iyong pagsulong. Sa loob ng isang buwan, obserbahan ang iyong pananalita o paggawi sa mga bagay na gusto mong pasulungin. Sa pagtatapos ng buwan, tanungin ang sarili: ‘Paano nakatulong ang aking magandang asal para maging mas mabuting tao ako? Ano pa ang dapat kong pasulungin?’ Saka magtakda ng mga bagong tunguhin.
Sabi ng Bibliya: “Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.”—Lucas 6:31.