TANONG NG MGA KABATAAN
Dapat Ba Akong Magpabautismo?—Bahagi 1: Ang Kahulugan ng Bautismo
Taon-taon, maraming kabataang pinalaki sa pamilyang Saksi ang nababautismuhan. Pinag-iisipan mo na bang magpabautismo? Kung oo, kailangan mo munang maintindihan ang kahulugan ng pag-aalay at bautismo.
Ano ang bautismo?
Sa Bibliya, ang bautismo ay ang lubusang paglulubog sa tubig—hindi lang basta pagwiwisik nito—at napakahalaga ng kahulugan nito.
Sa paglubog sa iyo sa tubig sa panahon ng bautismo, ipinapakita mo sa iba na hindi ka na mabubuhay para lang gawin ang gusto mo.
Sa pag-ahon sa iyo sa tubig, ipinapakita mo na mamumuhay ka na sa paraang gusto ng Diyos.
Kapag nagpabautismo ka, ipinapakita mo sa lahat na kinikilala mong si Jehova ang may awtoridad na magtakda ng pamantayan ng tama at mali at na nangako kang lagi mong gagawin ang gusto niya.
Pag-isipan: Bakit mo gugustuhing sumunod kay Jehova sa buong buhay mo? Tingnan ang 1 Juan 4:19 at Apocalipsis 4:11.
Ano ang pag-aalay?
Bago ka magpabautismo, kailangan mo munang ialay ang sarili mo kay Jehova. Paano?
Sa personal mong panalangin, ipapangako mo kay Jehova na paglilingkuran mo siya magpakailanman at na gagawin mo ang gusto niya anuman ang mangyari o gawin ng iba.
Kapag nagpabautismo ka, ipinapakita mo sa iba na nakapag-alay ka na. Ipinapakita rin nito na si Jehova na ang nagmamay-ari sa iyo, hindi na ang sarili mo.—Mateo 16:24.
Pag-isipan: Bakit mapapabuti ka kung si Jehova na ang nagmamay-ari sa iyo? Tingnan ang Isaias 48:17, 18 at Hebreo 11:6.
Bakit mahalaga ang bautismo?
Sinabi ni Jesus na dapat magpabautismo ang mga gustong maging alagad niya. (Mateo 28:19, 20) Kaya kahilingan pa rin ang bautismo para sa mga Kristiyano. Ang totoo, sinasabi ng Bibliya na kailangan ito para maligtas.—1 Pedro 3:21.
Pero dapat na ang motibo mo sa pagpapabautismo ay dahil mahal mo si Jehova at mahalaga sa iyo ang kaugnayan mo sa kaniya. Dapat na ang saloobin mo ay katulad ng sa salmista, na nagsabi: “Ano ang igaganti ko kay Jehova sa lahat ng kabutihang ginawa niya sa akin? . . Tatawag ako sa pangalan ni Jehova. Tutuparin ko ang mga panata ko kay Jehova.”—Awit 116:12-14.
Pag-isipan: Anong kabutihan ang ginawa sa iyo ni Jehova, at paano mo iyon gagantihan? Tingnan ang Deuteronomio 10:12, 13 at Roma 12:1.