Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Ano ang Gagawin Ko Kapag Nasaktan Ako ng Kaibigan Ko?

Ano ang Gagawin Ko Kapag Nasaktan Ako ng Kaibigan Ko?

 Ang dapat mong malaman

  • Lahat ng ugnayan ng mga tao ay puwedeng magkaproblema. Dahil hindi perpekto ang kaibigan mo—kahit best friend mo pa—baka may magawa o masabi siya na makasasakit sa damdamin mo. Siyempre, hindi ka rin perpekto. Baka nga may maalaala kang pagkakataon na nakasakit ka rin ng damdamin ng iba.—Santiago 3:2.

  • Sa Internet, puwede kang masaktan agad. Halimbawa, sinabi ng tin-edyer na si David: “Kapag online ka at nakita mo ang pictures ng kaibigan mo sa isang party, baka magtaka ka kung bakit hindi ka inimbitahan. ’Tapos baka maramdaman mo na binale-wala ka at malulungkot ka na.”

  • Puwede mong harapin ang problema.

 Ang puwede mong gawin

Suriin ang sarili. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu, sapagkat hinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal.”—Eclesiastes 7:9.

“Minsan, mare-realize mo na maliit na bagay lang pala ang ikinasamâ ng loob mo.”—Alyssa.

Pag-isipan: Maramdamin ka ba? Puwede mo bang pag-aralang palampasin ang kahinaan ng iba?—Eclesiastes 7:21, 22.

Isipin ang kagandahan ng pagpapatawad. Sinasabi ng Bibliya: “Kagandahan sa ganang kaniya na palampasin ang pagsalansang.”—Kawikaan 19:11.

“Kahit may dahilan ka para magreklamo, maganda kung handa kang magpatawad. Ibig sabihin, hindi mo siya kailangang paulit-ulit na sumbatan at hindi niya kailangang paulit-ulit na mag-sorry. Kapag nagpatawad ka na, tapós na ’yon.”—Mallory.

Pag-isipan: Ganoon ba talaga kahalaga ang sitwasyon? Puwede ka bang magpatawad para magkaroon ng kapayapaan?—Colosas 3:13.

Kung lagi mong inuungkat ang bawat problema ninyo, para mong paulit-ulit na binubuksan ang pinto at pinapapasok ang malakas na hangin sa isang kuwarto

Isipin ang kalagayan ng iba. Sinasabi ng Bibliya: “[Ituon] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Filipos 2:4.

“Kapag may pagmamahalan at paggalang kayong magkaibigan, mas desidido kang lutasin agad ang problema dahil mahalaga sa iyo ang pagkakaibigan ninyo. Marami ka nang ginawa para sa pagkakaibigan ninyo at ayaw mong basta masira iyon.”—Nicole.

Pag-isipan: May nakikita ka bang kahit ilang bagay na makatuwiran sa sinabi niya?—Filipos 2:3.

Tandaan: Makakatulong sa iyo sa hinaharap kung matututuhan mo kung ano ang magandang gawin kapag nasaktan ka. Simulan mo na ngayon!