Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Kailangan Ko Bang Magpalawak at Makipagkaibigan sa Iba?

Kailangan Ko Bang Magpalawak at Makipagkaibigan sa Iba?

“Komportable na ako sa mga kabarkada ko, at hiráp akong makipagkaibigan sa iba.”—Alan.

“Maliit lang ang circle of friends ko, at kontento na ako. Hindi ako lalapit sa mga hindi ko kilala para makipagkuwentuhan.”—Sara.

Kapareho mo ba sina Alan at Sara? Mayroon ka na bang malalapít na kaibigan at nahihirapan kang makipagkaibigan sa iba?

Kung oo, para sa iyo ang artikulong ito!

 Ang problema sa mga clique

Wala namang masama kung mayroon kang grupo ng malalapít na kaibigan. Dahil dito, nararamdaman mong tanggap ka nila—kahit ang mga kapintasan mo.

“Masarap sa pakiramdam kapag tanggap ka ng iba at kasama ka sa isang grupo. ’Pag bata ka pa, gusto mong maging ‘in.’”—Karen, 19.

Alam mo ba? Ang 12 apostol ay kasama sa maraming kaibigan ni Jesus, pero tatlo sa mga ito—sina Pedro, Santiago, at Juan—ang pinakamalalapít niyang kasama.—Marcos 9:2; Lucas 8:51.

Pero, kung makikisama ka lang sa sarili mong grupo ng mga kaibigan—at babale-walain ang iba—magkakaproblema ka. Halimbawa:

  • Baka mapalampas mo ang pagkakataong magkaroon ng iba pang mabubuting kaibigan.

    “Kapag ang mga kaibigan mo ay y’ong mga kapareho mo lang, pinagkakaitan mo ang iyong sarili ng mga bagong karanasan—pati na ng mahuhusay na kaibigan.”—Evan, 21.

  • Baka magmukha kang isnabero o isnabera.

    “Kapag may sarili kang grupo ng mga kaibigan, ang dating mo ay parang ayaw mo nang makipag-usap sa iba.”—Sara, 17.

  • Baka masangkot ka sa pambu-bully.

    “Baka hindi ka naman nambu-bully, pero kung ginagawa ito ng mga kabarkada mo, nagiging OK na ito sa ’yo—baka nakakatawa pa nga.”—James, 17.

  • Baka masuong ka sa gulo—lalo na kung gagawin mo ang lahat para mapabilang sa grupong iyon.

    “Kahit may isang bad influence lang sa grupo, puwedeng makagawa ng masama ang buong grupo.”—Martina, 17.

 Ang puwede mong gawin

  • Alamin ang mga prinsipyo mo.

    Tanungin ang sarili: ‘Ano ang mga prinsipyo ko sa buhay? Mas madali ba o mas mahirap na sundin ang mga iyon dahil sa mga kaibigan ko? Kakapit ba ako sa kanila anuman ang kapalit?’

    Simulain sa Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.

    “Kapag magkakaiba kayo ng prinsipyo ng mga kaibigan mo, baka makagawa ka ng mga bagay na hindi mo maisip na magagawa mo.”—Ellen, 14.

  • Alamin ang mga priyoridad mo.

    Tanungin ang sarili: ‘Tatalikuran ko ba ang mga prinsipyo ko dahil masyado akong close sa mga kaibigan ko? Paano kung may ginawang masama ang kaibigan ko?’

    Simulain sa Bibliya: “Ang lahat ng mga minamahal ko ay aking sinasaway.”—Apocalipsis 3:19.

    “Kapag isa sa mga kaibigan mo ang nakagawa ng masama at hindi mo alam kung kanino ka magiging loyal, baka magmukhang tinatraidor mo siya kapag nagsalita ka.”—Melanie, 22.

  • Magpalawak—makipagkaibigan sa iba.

    Tanungin ang sarili: ‘Makabubuti ba sa akin kung magpapalawak ako at kakaibiganin ang mga hindi ko pa gaanong kilala?’

    Simulain sa Bibliya: “[Ituon ang inyong] mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Filipos 2:4.

    “Y’ong mga kabataang walang masyadong kaibigan, baka may problema lang sila sa pamilya. Pero kapag nakilala mo na sila, masaya pala silang kasama.”—Brian, 19.

Tandaan: Walang masama kung may grupo ka ng mga kaibigan na close sa iyo. Pero makabubuti rin kung magpapalawak ka at makikipagkaibigan sa iba. Sinasabi ng Bibliya: “Ang saganang dumidilig sa iba ay sagana ring didiligin.”—Kawikaan 11:25.