TANONG NG MGA KABATAAN
Bakit Magandang Makasundo Ko ang mga Kapatid Ko?
“Mahal mo pero kaiinisan mo”
Nagmamahalan kayong magkakapatid, pero baka nagkakainisan din. Kung minsan, baka hindi kayo gaanong nagkakasundo. “Naiinis ako sa nakababata kong kapatid na lalaki,” ang sabi ng 18-anyos na si Helena. “Alam na alam niya kung paano at kailan ako gagalitin!”
May mga away ang magkakapatid na madadaan sa mabuting pag-uusap. Halimbawa:
Baka magtalo tungkol sa privacy ang magkapatid na lalaki na magkasama sa iisang kuwarto. Ang solusyon? Matutong magbigayan at bigyan ng privacy ang isa’t isa. Sundin ang simulain ng Bibliya na nasa Lucas 6:31.
Baka “naghihiraman” ng damit ang dalawang magkapatid na babae nang walang paalam. Ang solusyon? Pag-usapan ito at maging makatuwiran. Sundin ang simulain ng Bibliya na nasa 2 Timoteo 2:24.
Kung minsan, ang mga problema ng magkakapatid ay mas mabigat at puwedeng magkaroon ng malulubhang resulta. Tingnan ang dalawang halimbawa sa Bibliya:
Nainggit sina Miriam at Aaron sa kapatid nilang si Moises, at hindi maganda ang naging resulta nito. Basahin ang nangyari sa Bilang 12:1-15. Pagkatapos, tanungin ang sarili: ‘Paano ko maiiwasang mainggit sa kapatid ko?’
Nag-init sa galit si Cain hanggang sa mapatay niya ang kapatid niyang si Abel. Basahin ang nangyari sa Genesis 4:1-12. Pagkatapos, tanungin ang sarili: ‘Paano ko makokontrol ang galit ko sa kapatid ko?’
Dalawang dahilan para makipagkasundo
Gaano man kahirap makipagkasundo sa mga kapatid mo, may dalawang dahilan kung bakit sulit gawin ito.
Tanda ito na mature ka na. “Dati, madaling uminit ang ulo ko sa dalawa kong nakababatang kapatid na babae,” ang sabi ni Alex. “Pero ngayon, mas kalmado na ako at pasensiyoso. Baka nag-mature na nga ako.”
Sinasabi ng Bibliya: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay sagana sa kaunawaan, ngunit ang walang pagtitimpi ay nagtatanyag ng kamangmangan.”—Kawikaan 14:29.
Magandang pagsasanay ito para sa hinaharap. Kung hindi mo kayang palampasin ang di-magagandang ugali ng mga kapatid mo, paano mo pakikitunguhan ang magiging asawa mo, katrabaho, boss, o ang sinumang makakasalamuha mo?
Tandaan: Kung mahusay kang makipag-usap at makipagkasundo, magiging maganda ang pakikipag-ugnayan mo sa iba, at ang pinakamagandang pagkakataon para matutuhan mo ang mga iyon ay kapag kasama mo ang mga kapamilya mo.
Sinasabi ng Bibliya: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
Gusto mo ba ng tulong para makasundo ang kapatid mo? Basahin mo ang seksiyong “Ang sinasabi ng ibang kabataan.” Pagkatapos, tingnan mo ang kasama nitong worksheet na “Paano Mo Makakasundo ang Kapatid Mo?”