TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Makokontrol ang Aking Galit?
Quiz
Gaano ka kadalas magalit?
halos hindi
paminsan-minsan
araw-araw
Gaano katindi ang iyong galit?
maligamgam
mainit
kumukulo
Kanino ka mas malamang na nagagalit?
sa magulang
sa kapatid
sa kaibigan
Kung sa palagay mo ay kailangan mong kontrolin ang iyong galit, makakatulong sa iyo ang artikulong ito! Pero alamin mo muna kung bakit mahalagang manatiling kalmado kapag ginagalit ka.
Kung bakit ito mahalaga
Ang iyong kalusugan. Ayon sa Kawikaan 14:30: “Ang pusong mahinahon ay buhay ng katawan.” Sa kabaligtaran, sinasabi ng Journal of Medicine and Life na ang “galit ay may tuwirang kaugnayan sa mga sakit sa puso.”
Ang iyong mga kaibigan. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang makikisama sa sinumang madaling magalit; at sa taong magagalitin ay huwag kang sasama.” (Kawikaan 22:24) Kaya kung magagalitin ka, huwag magtaka kung iniiwasan ka ng iba. “Kung hindi mo pag-aaralang kontrolin ang galit mo,” ang sabi ng kabataang si Jasmine, “mawawalan ka ng mabubuting kaibigan.”
Ang iyong reputasyon. “Kapag hindi mo nakontrol ang galit mo,” ang sabi ng 17-anyos na si Ethan, “malalaman ito ng iba at papangit ang tingin nila sa iyo.” Tanungin ang sarili, ‘Ano ba ang gusto kong maging pagkakilala sa akin—bilang taong mahinahon at mapagpayapa o parang bombang sasabog anumang oras?’ Sinasabi ng Bibliya: “Siyang mabagal sa pagkagalit ay sagana sa kaunawaan, ngunit ang walang pagtitimpi ay nagtatanyag ng kamangmangan.”—Kawikaan 14:29.
Ang puwede mong gawin
Pag-isipan ang sumusunod na mga teksto at komento, at itanong sa sarili ang kasamang mga tanong.
Kawikaan 29:22: “Ang taong magagalitin ay pumupukaw ng pagtatalo, at ang sinumang madaling magngalit ay maraming pagsalansang.”
“Noong magtin-edyer ako, hirap na hirap akong kontrolin ang galit ko. Ganito rin ang problema ng mga kamag-anak namin sa side ng daddy ko. Sabi namin, nasa lahi namin ’to. Talagang mainitin ang ulo namin!”—Kerri.
Magagalitin ba ako? Kung sinasabi ko na ang mabubuting katangian ko ay dahil sa pagsisikap ko, tama bang sabihin na hindi ko kasalanan ang pagiging magagalitin dahil minana ko lang ito?
Kawikaan 15:1: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.”
“Kailangang matutuhan mong kontrolin ang iyong emosyon. Kung sisikapin mong maging mahinahon at positibo, hindi agad mag-iinit ang ulo mo at hindi mo magiging problema ’yan.”—Daryl.
Kapag ginalit, bakit mahalaga ang reaksiyon ko?
Kawikaan 26:20: “Kung saan walang kahoy ay namamatay ang apoy.”
“Kapag mahinahon ang sagot ko, kadalasan, kumakalma ang kausap ko at nakakapag-usap kami nang hindi sumasabog sa galit.”—Jasmine.
Paano maaaring lumala ang sitwasyon dahil sa aking pananalita o pagkilos?
Kawikaan 22:3: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”
“Kung minsan, kailangan ko munang umalis at pag-isipan kung ano ang nangyari, at saka ko na ito haharapin kapag kalmado na ako.”—Gary.
Kailan makabubuting umalis sa isang maigting na sitwasyon nang hindi naman mukhang tinatalikuran mo ang iyong kausap?
Santiago 3:2: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit.”
“Dapat nating pagsisihan ang mga pagkakamali natin, pero dapat din tayong matuto mula sa mga ito. Kapag nagkamali, kailangan tayong bumangon at sikaping bumawi sa susunod.”—Kerri.
Tip: Magtakda ng tunguhin. Sikaping huwag magalit sa loob ng ilang panahon—marahil isang buwan. Obserbahan at isulat sa diary ang iyong pagsulong.