Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Ano ang Dapat Kong Gawin Pagkatapos ng Bautismo?​—Bahagi 2: Manatiling Tapat

Ano ang Dapat Kong Gawin Pagkatapos ng Bautismo?​—Bahagi 2: Manatiling Tapat

 Sinasabi ng Bibliya na “si Jehova ay hindi magkakait ng anumang mabuti sa mga lumalakad nang tapat.” (Awit 84:11) Ano ang ibig sabihin ng “lumalakad nang tapat”? Lumalakad ka nang tapat kapag isinasabuhay mo ang pangako mo sa Diyos na Jehova nang ialay mo ang sarili mo sa kaniya. (Eclesiastes 5:4, 5) Paano ka makakapanatiling tapat pagkatapos mong mabautismuhan?

Sa artikulong ito

 Magtiis kahit may mga problema

 Sabi ng Bibliya: “Kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.”​—Gawa 14:22.

 Ibig sabihin: Makakaranas ng mga problema ang lahat ng Kristiyano. Puwede kang pagtawanan o kontrahin dahil isa kang Kristiyano. Puwede ka ring magkasakit o magkaproblema sa pera, gaya ng ibang tao.

 Ang dapat mong asahan: Nagbabago ang kalagayan mo sa buhay. Minsan y’ong ayaw mo ang nangyayari. Sinasabi ng Bibliya na puwedeng mangyari ang masasamang bagay kahit kanino—Kristiyano man o hindi.​—Eclesiastes 9:11.

 Ang puwede mong gawin: Dahil alam mong puwede kang magkaproblema, mapaghahandaan mo ang mga ito. Ituring mong pagkakataon iyon para patibayin ang pananampalataya mo at ipakitang umaasa ka kay Jehova. (Santiago 1:2, 3) Kapag nakayanan mo ang mga iyon, masasabi mo rin ang sinabi ni apostol Pablo: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:13.

 KARANASAN. “Pagkatapos kong mabautismuhan, iniwan ng mga kuya ko ang katotohanan, at nagkasakit ang mga magulang ko. Tapos nagkasakit din ako. Parang gusto ko na ring sumuko—na kalimutang inialay ko ang sarili ko sa Diyos, at y’ong pangako ko na uunahin ko ang pagsamba sa kaniya. Pero ‘yon ang nakatulong sa akin na makayanan ang mga problema.”​—Karen.

 Tip: Alamin ang mga nangyari kay Jose. Mababasa mo ang kuwento niya sa Genesis kabanata 37 at 39 hanggang 41. Pag-isipan: Anong mga di-inaasahang problema ang naranasan ni Jose, at paano niya nakayanan ang mga iyon? Paano siya tinulungan ni Jehova?

 Baka makatulong ito

 Huwag magpadala sa tukso

 Sabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nadadala at naaakit ng sarili niyang pagnanasa.”​—Santiago 1:14.

 Ibig sabihin: Minsan, puwede tayong matukso at kapag hindi natin iyon iniwasan, puwedeng magkamali tayo.

 Ang dapat mong asahan: Pagkatapos mong mabautismuhan, puwede ka pa ring makaranas ng “mga pagnanasa ng laman.” (2 Pedro 2:18) Baka matukso ka pa ngang makipag-sex bago ka makapag-asawa.

 Ang puwede mong gawin: Bago ka pa matukso, magdesisyon ka nang hindi ka magpapadala sa tukso. Tandaan ang sinabi ni Jesus: “Walang alipin ang makapaglilingkod sa dalawang panginoon.” (Mateo 6:24) Si Jehova ang piliin mong panginoon. Kahit parang nararamdaman mong madadaig ka ng tukso, puwede kang magdesisyong hindi magpadala dito.​—Galacia 5:16.

 Tip: Alamin ang mga kaya mong gawin at kung saan ka mahina. Pumili ng mga kaibigan na magandang impluwensiya sa iyo. Iwasan ang mga tao, lugar, at sitwasyon na puwede kang matukso.​—Awit 26:4, 5.

 Baka makatulong ito

 Maging masigasig pa rin

 Sabi ng Bibliya: “Magpakita ng gayon ding kasipagan . . . hanggang sa wakas, para hindi kayo maging tamad.”​—Hebreo 6:11, 12.

 Ibig sabihin: Kapag hindi nakapokus ang isa sa dapat niyang gawin, unti-unti siyang tatamarin.

 Ang dapat mong asahan: Siguradong napakasigasig mo pagkatapos mong mabautismuhan. Talagang mahal na mahal mo si Jehova. Pero habang tumatagal, baka nahihirapan ka nang sundin si Jehova, at dahil diyan, nababawasan na ang sigasig mo.​—Galacia 5:7.

 Ang puwede mong gawin: Patuloy na gawin ang tama, kahit hindi na iyon ang gusto mong gawin. (1 Corinto 9:27) Sikaping maging mas malapít sa iyong Ama sa langit. Mas kilalanin mo pa siya at manalangin nang mas madalas sa kaniya. Manatili ring malapít sa iba na mahal si Jehova at naglilingkod sa kaniya.

 Tip: Tandaan na mahal na mahal ka ni Jehova. Handa siyang tulungan ka. Huwag mong isipin na galít siya sa iyo kapag medyo nabawasan ang sigasig mo. Sinasabi ng Bibliya: “Nagbibigay siya ng lakas sa pagod, pinalalakas niya ang mga nanghihina.” (Isaias 40:29) Tandaan na pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap mong maging masigasig.

 Baka makatulong ito

 Tandaan: Kung mananatili kang tapat, mapapasaya mo ang puso ni Jehova! (Kawikaan 27:11) Magiging masaya siya na pinili mo siyang paglingkuran, at tutulungan ka niyang madaig si Satanas.