Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Talaga Bang Masama ang Pagmumura?

Talaga Bang Masama ang Pagmumura?

“Sanay na sanay na akong makarinig ng nagmumura kaya ’di na ako nagugulat. Parang normal na lang ’to.”—Christopher, 17.

“Noong bata pa ako, palagi akong nagmumura. Napakadali nitong makasanayan pero napakahirap namang ihinto.”—Rebecca, 19.

 Quiz

  • Ano ang epekto sa iyo kapag naririnig mong nagmumura ang iba?

    • Wala lang—normal na ito sa akin.

    • Nakakailang—pero tanggap ko na.

    • Nakakainis—hindi ko talaga matanggap.

  • Nagmumura ka ba?

    • Hinding-hindi

    • Minsan

    • Madalas

  • Sa palagay mo, seryosong bagay ba ang pagmumura?

    • Oo

    • Hindi

 Kung bakit ito mahalaga

Para sa iyo, seryosong bagay ba ang pagmumura? ‘Hindi naman,’ baka sabihin mo. ‘Maraming ibang bagay sa mundo na mas dapat problemahin. At saka, lahat naman ng tao ay nagmumura!’ Pero totoo ba talaga iyan?

Sa maniwala ka o hindi, maraming tao ang umiiwas sa paggamit ng masasamang salita. May mga alam kasi sila na hindi alam ng iba. Halimbawa:

  • Kapag nagmumura ka, mahahalata ang totoong pagkatao mo. Ipinakikita ng iyong pananalita kung ano ang nasa loob mo. Kapag nagmumura ka, ipinahihiwatig nito na wala kang pakialam sa damdamin ng iba. Ganiyan ba talaga ang pagkatao mo?

    Sabi ng Bibliya: “Ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso.”—Mateo 15:18.

    Ang pagmumura ay parang polusyon. Bakit mo ihahantad dito ang iyong sarili at ang iba?

  • Kapag nagmumura ka, papangit ang tingin sa iyo ng iba. Sinasabi ng aklat na Cuss Control: “Nakadepende sa paraan ng pagsasalita natin kung sino ang magiging mga kaibigan natin, kung igagalang tayo ng mga kapamilya at katrabaho, ang kalidad ng ating ugnayan sa iba, kung paano tayo makaiimpluwensiya sa iba, kung makakakuha ba tayo ng trabaho o promotion, at kung paano tayo pakikitunguhan ng mga hindi natin kakilala.” Sinasabi rin nito: “Tanungin ang sarili kung posible kayang mas gaganda ang iyong kaugnayan sa iba kung hindi ka nagmumura.”

    Sabi ng Bibliya: ‘Alisin ninyo ang mapang-abusong pananalita.’—Efeso 4:31.

  • Kapag nagmumura ka, hindi ka kasing-cool na gaya ng inaakala mo. Sa kaniyang aklat na How Rude!, sinabi ni Dr. Alex Packer: “Nakakasawang pakinggan ang mga taong laging nagmumura.” Idinagdag niya na kung puro pagmumura ang nasa bokabularyo ng isa, “hindi iyon kakikitaan ng unawa, talino, dunong, o empatiya. Kung ang pananalita mo ay burara, malabo, at limitado, tiyak na magiging ganoon din ang iyong pag-iisip.”

    Sabi ng Bibliya: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita mula sa inyong bibig.”—Efeso 4:29.

 Ang puwede mong gawin

  • Magtakda ng tunguhin. Sa loob ng isang buwan o mas maikli pa, subukang huminto sa pagmumura. Puwede mong ilista sa isang chart o kalendaryo ang iyong pagsulong. Pero para patuloy mong maabot ang iyong tunguhin, baka higit pa ang kailangan mong gawin. Halimbawa:

  • Iwasan ang mga libangang magpapasok ng masasamang salita sa iyong pag-iisip. Sinasabi ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Hindi lang mga tao ang kabilang sa mga “kasama” kundi pati na rin ang mga libangan—mga pelikulang pinapanood mo, mga video game na nilalaro mo, at ang musikang pinakikinggan mo. Sinabi ni Kenneth na 17 anyos: “Napakadaling sabayan ang kantang gusto mo at kalimutang may mga mura sa lyrics nito—dahil lang sa maganda ang beat nito.”

  • Ipakitang matured ka. Ang ilan ay nagmumura dahil iniisip nilang magmumukha silang adulto. Pero kabaligtaran ang totoo. Sinasabi ng Bibliya na nasanay na ng mga matured na tao ang “kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Hindi nila ibinababa ang kanilang mga pamantayan para lang magpa-impress sa iba.

Ang totoo, ang pagmumura ay parang polusyon na nagkakalat ng maruruming kaisipan. Laganap na iyan sa mundo! “Huwag ka nang dumagdag pa,” ang mungkahi ng Cuss Control. “Gawin mo ang iyong buong makakaya para mabawasan ang maruruming pananalita. Gaganda ang pakiramdam mo sa iyong sarili, at gaganda rin ang tingin sa iyo ng iba.”