TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Kung Nakakaranas Ako ng Cyberbullying?
Ang dapat mong malaman
Madaling mam-bully sa Internet. “Kahit ang mababait na bata ay nagiging masama online dahil hindi sila nakikita rito,” ang sabi ng aklat na CyberSafe.
May mga taong madalas maging puntirya nito. Kabilang dito ang mga mapagsarili, parang naiiba, o mga taong mababa ang tingin sa sarili.
May malulubhang epekto ang cyberbullying. Puwede itong mauwi sa kalungkutan at depresyon, at ang ilan sa mga naging biktima nito ay nagpakamatay pa nga.
Ang puwede mong gawin
Una, tanungin ang sarili, ‘Pambu-bully ba talaga ito?’ Kung minsan, nakakapagsalita ng masakit ang iba nang hindi naman nila sinasadya. Kapag ganoon, maaari nating sundin ang matalinong payo ng Bibliya:
“Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu, sapagkat hinanakit ang nagpapahinga sa dibdib ng mga hangal.”—Eclesiastes 7:9.
Pero kung sinasadya ng isang tao na ikaw ay i-harass, ipahiya, o pagbantaan online, pambu-bully iyon.
Kung nakakaranas ka ng cyberbullying, tandaan mo ito: Puwede mong mapalala o mapabuti ang sitwasyon depende sa magiging reaksiyon mo. Subukan mong gawin ang isa o higit pa sa mga payong ito.
Huwag pansinin ang bully. Sinasabi ng Bibliya: “Ang sinumang nagpipigil ng kaniyang mga pananalita ay nagtataglay ng kaalaman, at ang taong may kaunawaan ay malamig ang espiritu.”—Kawikaan 17:27.
Kung bakit mabisa ang payong ito: “Ang talagang gusto ng mga bully ay ang magalit ang target nila,” ang sabi ni Nancy Willard sa aklat niyang Cyberbullying and Cyberthreats. “Kapag ang mga pinupuntirya ay nagagalit na, parang nagpapakontrol na rin sila sa mga bully.”
Tandaan: Kung minsan, ang pinakamagandang gawin ay huwag itong pansinin.
Pigilan ang sarili at huwag gumanti. Sinasabi ng Bibliya: ‘Huwag gumanti ng pinsala sa pinsala.’—1 Pedro 3:9.
Kung bakit mabisa ang payong ito: “Kapag nagagalit ka, ipinapakita mong mahina ka, at lalo ka lang mabu-bully,” ang sabi ng aklat na Cyber-Safe Kids, Cyber-Savvy Teens. At kapag gumanti ka, pinalalala mo ang problema na sinimulan ng bully.
Tandaan: Huwag mong gatungan ang apoy.
Gumawa ng positibong mga hakbang. Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kang padaig sa masama.” (Roma 12:21) May magagawa ka para tumigil ang pambu-bully—nang hindi pinalalala ang sitwasyon.
Halimbawa:
I-block ang nagpapadala ng mga mensahe. “Kapag wala kang nababasa, hindi ka masasaktan,” ang sabi ng aklat na Mean Behind the Screen.
I-save ang lahat ng ebidensiya, kahit hindi mo binabasa ang mga iyon. Kasama rito ang agresibong mga text message, instant message, e-mail, post sa mga blog o social media, voice message, o iba pa.
Sabihin sa cyberbully na tumigil. Magpadala ng tuwirang mensahe, gaya ng:
“Huwag ka nang magpapadala ng message.”
“Alisin mo ang pinost mo.”
“Kapag hindi ka tumigil, may gagawin ako para matiyak na titigil ka.”
Magkaroon ng kumpiyansa sa sarili. Magpokus sa magaganda mong katangian at hindi sa mga kahinaan mo. (2 Corinto 11:6) Katulad ng iba pang bully, binibiktima ng mga cyberbully ang mga mukhang mahihina.
Magsabi sa isang adulto. Una sa lahat, sabihin mo ito sa mga magulang mo. Puwede mo rin itong ireport sa website o sa service na ginagamit ng bully. Kapag malala na ang sitwasyon, dapat ninyo itong ireport ng mga magulang mo sa paaralan mo at sa pulis, o alamin pa nga ang puwede ninyong gawin ayon sa batas.
Tandaan: May magagawa ka para matigil ang pangha-harass sa iyo o mabawasan ang epekto sa iyo ng cyberbullying.