Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Maituturing Bang Sex ang Oral Sex?

Maituturing Bang Sex ang Oral Sex?

Ayon sa isang ulat ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention, mga kalahati sa lahat ng ininterbyu na edad 15 hanggang 19 ay nakaranas na ng oral sex. “Kung kakausapin mo ang mga kabataan [tungkol sa oral sex], sasabihin nilang okey lang iyon,” ang sabi ni Sharlene Azam, awtor ng aklat na Oral Sex Is the New Goodnight Kiss. “Ang totoo, hindi nila ito itinuturing na sex.”

 Ano sa palagay mo?

Sagutin ng oo o hindi ang sumusunod.

  1. Puwede bang mabuntis ang babae dahil sa oral sex?

    1. Oo

    2. Hindi

  2. Masama ba sa kalusugan ang oral sex?

    1. Oo

    2. Hindi

  3. Maituturing bang sex ang oral sex?

    1. Oo

    2. Hindi

 Ano ang totoo?

Ihambing ang mga sagot mo sa sumusunod na impormasyon.

  1. Puwede bang mabuntis ang babae dahil sa oral sex?

    Sagot: Hindi. Iyan ang isang dahilan kung bakit inaakala ng marami na walang masama sa oral sex.

  2. Masama ba sa kalusugan ang oral sex?

    Sagot: Oo. Ang taong gumagawa ng oral sex ay puwedeng magkasakit ng hepatitis (A o B), mga genital wart, gonorrhea, herpes, HIV, at syphilis.

  3. Maituturing bang sex ang oral sex?

    Sagot: Oo. Anumang gawaing nagsasangkot ng ari ng iba—kasama na ang pakikipagtalik, oral sex, anal sex, at pagma-masturbate sa iba—ay maituturing na sex.

 Mahalaga pa ba ito?

Pag-isipan ang ilang teksto sa Bibliya na may kaugnayan sa oral sex.

Sabi ng Bibliya: “Ito ang kalooban ng Diyos, . . . na umiwas kayo sa pakikiapid [o, seksuwal na imoralidad].”—1 Tesalonica 4:3.

Ang orihinal na salitang isinalin bilang “pakikiapid” ay tumutukoy sa lahat ng uri ng seksuwal na gawain sa hindi asawa—kasama na ang pakikipagtalik, oral sex, anal sex, at pagma-masturbate sa iba. Ang taong gumagawa ng mga ito ay aani ng masasamang resulta, at ang pinakamasaklap dito ay ang pagkasira ng pakikipagkaibigan sa Diyos.—1 Pedro 3:12.

Sabi ng Bibliya: “Siya na namimihasa sa pakikiapid [o, seksuwal na imoralidad] ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.”—1 Corinto 6:18.

Ang oral sex ay may masasamang epekto sa pisikal at espirituwal. May epekto rin ito sa emosyon. “Hindi lang ang mga aktuwal na nakipagtalik ang nakadarama na ginamit sila, nagsisisi, o walang kalaban-laban,” ang sabi ng aklat na Talking Sex With Your Kids. “Lahat ng pangit na damdaming mararanasan ng isa kapag nakipagtalik siya sa maling sitwasyon ay mararanasan din sa anumang uri ng pakikipag-sex sa maling sitwasyon. Ang sex ay sex.”

Sabi ng Bibliya: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo upang makinabang ka.”—Isaias 48:17.

Naniniwala ka ba na talagang para sa ikabubuti mo ang mga utos ng Diyos tungkol sa sex? O iisipin mong restriksiyon ang mga ito? Para masagot iyan, isip-isipin ang isang highway na may nakapaskil na mga speed limit, traffic signal, at stop sign. Ituturing mo bang restriksiyon o proteksiyon ang mga ito? Ano kaya ang mangyayari kung babale-walain mo—at ng ibang driver—ang mga iyon?

Ang mga batas trapiko ay nakaaapekto sa iyong kalayaan, pero pinoprotektahan ka ng mga ito. Gayundin, ang mga utos ng Diyos ay nagsisilbing restriksiyon sa iyo, pero maiingatan ka ng mga ito

Ganiyan din pagdating sa mga pamantayan ng Diyos. Kung babale-walain mo ang mga ito, tiyak na aanihin mo ang inihasik mo. (Galacia 6:7) “Kapag binabale-wala mo ang mga paniniwala at prinsipyo mo at gumagawa ka ng mga bagay na para sa iyo ay hindi tama, mababawasan ang respeto mo sa sarili,” ang sabi ng aklat na Sex Smart. Pero kung mamumuhay ka ayon sa mga pamantayan ng Diyos, maipakikita mong malinis ka sa moral. Higit sa lahat, mapananatili mong malinis ang iyong konsensiya.—1 Pedro 3:16.