Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Maihihinto ang Dobleng Pamumuhay?

Paano Ko Maihihinto ang Dobleng Pamumuhay?

 Kung minsan, naiisip ng ilang mananamba ng Diyos kung sulit na sundin ang mga prinsipyo ng Bibliya. (Awit 73:2, 3) Baka subukan pa nga nilang gumawa ng mga bagay na hindi ayon sa batas ni Jehova. Pagkatapos, itatago nila iyon sa mga kapatid sa kongregasyon.

 Makakatulong ang artikulong ito sa mga may dobleng pamumuhay at gusto na itong ihinto.

Sa artikulong ito

 Ano ang dobleng pamumuhay?

 Doble ang pamumuhay mo kung ginagawa mo ang mga bagay na alam mong masama kapag kasama mo ang mga hindi sumusunod kay Jehova. Pero kapag kasama mo naman ang mga kapatid sa kongregasyon, kumikilos ka na parang gusto mong paglingkuran si Jehova. Mayroon kang dalawang uri ng pamumuhay na para bang nakasuot ka ng maskara kasi may itinatago ka.

 “Kung doble ang pamumuhay mo, may itinatago ka sa dalawang grupo, kaya hindi ka talaga nila kilala. Ibig sabihin, nagsisinungaling ka sa lahat.”—Erin.

 Alam mo ba? Masasabi ring may dobleng pamumuhay ka kung gumagawa ka ng mga bagay na ayaw ni Jehova kahit walang nakakakita.

 “Noong 14 ako, nagba-browse ako sa Internet ng mga imoral na picture at video. Kapag kasama ko naman ang iba, nagkukunwari ako na hindi ko gusto ang pornograpya. Pero ang totoo, gusto ko naman talaga.”—Nolan.

 Prinsipyo sa Bibliya: “Walang alipin ang makapaglilingkod sa dalawang panginoon; dahil alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa.”—Mateo 6:24.

 Masamang tao na ba ako kung may doble akong pamumuhay?

 Hindi naman. May mga tao na ayaw talagang sumunod sa mga prinsipyo sa Bibliya. Pero ganiyan ka nga ba? O baka may iba kang dahilan, gaya ng:

  •   Nahihiya kang mapaiba sa mga kasama mo.

  •   Parang mas makakasundo mo ang mga kaeskuwela mo kaysa sa mga kakongregasyon mo.

  •   Parang nahihirapan ka at hindi mo kayang sundin ang lahat ng utos ng Diyos.

 “Siguro, kaya gusto ng ilang kabataan na may dobleng pamumuhay na makipagkaibigan sa mga hindi sumusunod sa mga prinsipyo sa Bibliya kasi gusto nilang magkaroon ng mga kaibigan—kahit sino nga lang.”—David.

 Siyempre, hindi dahilan ang mga iyan para magkaroon ka ng dobleng pamumuhay. Pero ipinapakita ng mga iyan na puwede talagang magkaroon ng dobleng pamumuhay kahit ang mabubuting tao. Kung ganiyan ang sitwasyon mo, ano ang puwede mong gawin?

 Paano ko maihihinto ang dobleng pamumuhay?

  1.  1. Isipin mo kung paano ka namumuhay ngayon. Tanungin ang sarili: ‘Ganitong buhay ba talaga ang gusto ko? Ano ang mangyayari kapag ipinagpatuloy ko ito?’

     Prinsipyo sa Bibliya: “Nakikita ng matalino ang panganib . . . , pero tulóy lang ang mga walang karanasan at pinagdurusahan ang epekto nito.”—Kawikaan 27:12.

  2.  2. Sabihin ang totoo. Ipakipag-usap ang sitwasyon mo sa mga magulang mo o sa isang matured na kaibigan na tapat na lingkod ni Jehova. Malamang na matutuwa sila kasi humingi ka ng tulong at gusto mong gawin ang tama!

    Kung “nahulog” ka na sa dobleng pamumuhay, humingi ng tulong

     “Nahirapan talaga akong ipagtapat na may dobleng pamumuhay ako. Pero nang gawin ko iyon, gumaan ang pakiramdam ko.”—Nolan.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Ang nagtatago ng kaniyang mga kasalanan ay hindi magtatagumpay, pero ang nagtatapat at tumatalikod sa mga iyon ay kaaawaan.”—Kawikaan 28:13.

  3.  3. Tanggapin ang mga resulta ng ginawa mo. Tandaan na nasira mo ang tiwala ng mga magulang mo at ng kongregasyon dahil sa dobleng pamumuhay mo. Kaya baka bigyan ka ng ilang restriksiyon ng mga magulang mo o ng mga elder sa kongregasyon. Tanggapin mo iyon. At tiyakin na mula ngayon, kikilos ka na nang “tapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Makinig ka sa payo at tumanggap ng disiplina para maging marunong ka pagdating ng araw.”—Kawikaan 19:20.

  4.  4. Tandaan na mahal ka ng Diyos. Mahal tayo ni Jehova at alam na alam niya ang lahat ng ginagawa natin. Kaya kapag may dobleng pamumuhay ka, nakikita niya iyon at nalulungkot siya. Pero ‘dahil nagmamalasakit siya sa iyo,’ gustong-gusto ka niyang tulungan.—1 Pedro 5:7.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Ang mga mata ni Jehova ay nagmamasid nang mabuti sa buong lupa para ipakita niya ang kaniyang lakas alang-alang sa nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.”—2 Cronica 16:9.