TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ako Makakapagpokus?
Bakit hindi ako makapagpokus?
“Dati, mahilig akong magbasa ng libro. Pero ngayon hindi na. Kahit nga mahahabang paragraph, tinatamad na akong basahin.”—Elaine.
“Kapag nababagalan ako sa pinapanood kong video, pina-fast forward ko ’yon.”—Miranda.
“Kahit na may ginagawa ako, basta tumunog ang cellphone ko, ’di na ako makapag-concentrate kakaisip kung sino ang nagtext sa ’kin.”—Jane.
May mga nagsasabi na dahil sa teknolohiya, nahihirapan silang magpokus. “Kapag mas madalas tayong nag-i-Internet, mas lalong nasasanay ang utak natin na ma-distract—mabilis at mahusay nating napoproseso ang mga impormasyon nang hindi nagpopokus,” ang sabi ng awtor at management consultant na si Nicholas Carr. a
Pag-isipan ang tatlong sitwasyon kung saan posibleng mawala ang pokus mo dahil sa teknolohiya.
Kapag nakikipag-usap. “Kahit kaharap na nila ang kausap nila,” ang naobserbahan ng kabataang si Maria, “text pa rin nang text ang mga tao, naglalaro ng games, o panay pa rin ang tingin nila sa social media. Wala talaga ang atensiyon nila sa kausap nila.”
Kapag nasa klase. “Sinasabi ng karamihan sa mga estudyante na ginagamit nila ang mga gadyet nila habang klase para magtext, mag-browse, o magbasa at manood ng kung ano-ano,” ang sabi ng aklat na Digital Kids, at na ginagamit nila ang mga gadyet nila “para sa mga bagay na wala namang koneksiyon sa pag-aaral.”
Kapag nag-aaral. “Ang hirap na hindi tumingin sa cellphone kapag tumunog ’to,” ang sabi ng 22-taóng-gulang na si Chris. Kung estudyante ka, ang isang oras na paggawa ng assignment ay puwedeng maging tatlong oras o higit pa kung lagi kang nadi-distract ng mga gadyet mo.
Tandaan: Mahihirapan kang magpokus kung hahayaan mong ma-distract ka at makontrol ng teknolohiya.
Kung paano magpopokus
Kapag nakikipag-usap. Sinasabi ng Bibliya: “[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.” (Filipos 2:4) Makinig na mabuti—pagpapakita iyon ng konsiderasyon. Tingnan ang kausap mo, at huwag kang magpa-distract sa gadyet mo.
“Kapag may kausap ka, iwasang tingnan ang cellphone mo. Kasi kapag nasa kausap mo ang atensiyon mo, ipinapakita mo na iginagalang mo siya.”—Thomas.
TIP: Kapag nakikipag-usap ka, itago ang cellphone mo. Ayon sa mga mananaliksik, kapag nakikita mo ang cellphone mo, mas malaki ang posibilidad na ma-distract ka, kasi inaasahan mo na may lilitaw doon.
Kapag nasa klase. Sinasabi ng Bibliya: “Bigyang-pansin ninyo kung paano kayo nakikinig.” (Lucas 8:18) Makakatulong ang prinsipyong iyan kung pinapayagan kayong mag-Internet habang nasa classroom. Huwag mag-check ng e-mail, maglaro ng games, o mag-chat habang oras ng klase.
“Sikapin mong magpokus sa klase. Kumuha ka ng notes. Kung posible, umupo ka sa unahan ng classroom para hindi ka ma-distract.”—Karen.
TIP: Isulat ang notes mo imbes na gumamit ng gadyet. Kasi ayon sa mga pagsasaliksik, mas makakapagpokus ka at mas maaalala mo ang natutuhan mo.
Kapag nag-aaral. Sinasabi ng Bibliya: “Kumuha ka ng karunungan, kumuha ka ng unawa.” (Kawikaan 4:5) Ibig sabihin, kailangan mong maintindihan ang pinag-aaralan mo imbes na basta na lang ito kabisaduhin para lang makapasa sa exam.
“Kapag nag-aaral ako, inilalagay ko sa airplane mode ang tablet ko para makapagpokus ako. Hindi ko tinitingnan ang mga notification ko. Kapag may kailangan akong tandaan, isinusulat ko ’yon.”—Chris.
TIP: Mag-aral sa isang lugar kung saan makakapagpokus ka. Panatilihin itong malinis at maayos.
a Mula sa aklat na The Shallows—What the Internet Is Doing to Our Brains.