Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ako Mas Gagaling Makipag-usap?

Paano Ako Mas Gagaling Makipag-usap?

 Bakit magandang makipag-usap nang personal?

 Para sa ilang tao, mas mahirap at nakaka-stress ang pakikipag-usap nang personal lalo na kung ikukumpara ito sa pagtetext.

 “Mas nakaka-pressure makipag-usap nang personal. Hindi mo na kasi mae-edit o made-delete y’ong mga sinabi mo.”—Anna.

 “Y’ong text parang recorded na show, pero y’ong pakikipag-usap nang personal parang live show. Ang naiisip ko lang, ‘Huwag kang sasablay!’”—Jean.

 Pero kailangan mo rin talagang masanay na makipag-usap nang personal. Halimbawa, kailangan mo iyan kung gusto mong magkaroon ng kaibigan, trabaho, at ng boyfriend o girlfriend kapag handa ka na.

 Pero hindi naman talaga nakakatakot makipag-usap nang personal. Matututuhan mo rin iyon, kahit mahiyain ka.

 “Hindi mo maiiwasang magkamali paminsan-minsan at mapahiya dahil sa sinabi mo. Huwag mo na lang masyadong isipin iyon.”—Neal.

 Kung paano uumpisahan ang pakikipag-usap

  •   Magtanong. Isipin kung ano ang gustong pag-usapan ng mga tao, at doon mo umpisahan. Halimbawa:

     “Nagbakasyon ka ba? Saan?”

     “Ang ganda ng website na ’to, nakita mo na ba?”

     “Nabalitaan mo ba y’ong . . . ?”

     Puwede mo ring pag-isipan kung ano ang pagkakapareho ninyo ng kakausapin mo. Halimbawa, pareho ba kayo ng school o pinagtatrabahuhan? Iyon ang gamitin mo para magtanong.

     “Mag-isip ng topic na interesado ka at gusto mong malaman ang opinyon ng iba, saka magtanong tungkol dito.”—Maritza.

     Mag-ingat: Huwag magtanong nang magtanong na parang pulis. Iwasan ding magtanong ng mga bagay na masyadong personal. Baka mailang sila kapag tinanong mo, “Anong pinagdadaanan mo ngayon?” o “Bakit ba lagi ka na lang naka-blue?” Sa pangalawang tanong, baka magmukha ka pa ngang namimintas!

     Maiiwasan mo ring maging parang pulis kung magsasabi ka rin ng opinyon mo bago o pagkatapos sumagot ng kausap mo. Sa ibang salita, sikaping makipag-usap—hindi mag-interview.

    Para ka bang pulis kapag nagtatanong?

     Prinsipyo sa Bibliya: “Ang kaisipan ng tao ay gaya ng malalim na tubig, pero nasasalok ito ng taong may kaunawaan.”—Kawikaan 20:5, talababa.

  •   Makinig mabuti. Posibleng magtuloy ang pag-uusap depende sa husay mong makinig at hindi sa husay mong magsalita.

     “Kapag may kausap ako, sinisikap kong may malamang bago tungkol sa kaniya. ’Tapos tatandaan ko iyon, para kapag nag-usap ulit kami, may maitatanong ako sa kaniya.”—Tamara.

     Mag-ingat: Huwag masyadong isipin kung ano ang susunod mong sasabihin. Siguradong may maiisip ka kapag nakinig kang mabuti sa sinabi ng kausap mo.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.

  •   Ipakitang interesado ka talaga. Mas lalo kang mag-e-enjoy sa pag-uusap ninyo kapag nagmamalasakit ka sa kausap mo.

     “Kapag ipinaramdam mo sa kausap mo na talagang interesado ka sa sinasabi niya, magiging maganda ang pag-uusap n’yo—kahit pa nagiging awkward ito kung minsan.”—Marie.

     Mag-ingat: Huwag maging masyadong personal. Halimbawa, baka mailang siya kung sasabihin mo, “Ang ganda naman ng jacket mo. Magkano ang bili mo diyan?”

     Prinsipyo sa Bibliya: “[Isipin] ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.”—Filipos 2:4.

 Paano mo tatapusin ang pag-uusap ninyo? “Sikaping maging positibo,” ang tip ng kabataang si Jordan. “Halimbawa, puwede mong sabihin, ‘Ang ganda ng naging kuwentuhan natin’ o ‘Ingat ka sa mag-hapon.’ Tutulong iyon para mas madali mo na siyang makausap sa susunod.”