Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Ano ang Dapat Kong Gawin Pagkatapos ng Bautismo?​—Bahagi 1: Ipagpatuloy ang mga Ginagawa Mo

Ano ang Dapat Kong Gawin Pagkatapos ng Bautismo?​—Bahagi 1: Ipagpatuloy ang mga Ginagawa Mo

 Iniingatang mabuti ang mga bagay na mahalaga, gaya ng bahay o kotse. Ganiyan din sa kaugnayan mo sa Diyos. Dapat mo itong ingatang mabuti. Paano mo iyan magagawa pagkatapos ng bautismo?

Sa artikulong ito

 Patuloy na pag-aralan ang Bibliya

 Sabi ng Bibliya: ‘Mamunga kayo dahil sa inyong mabubuting gawa at lumago sa inyong tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos.’—Colosas 1:10.

 Ibig sabihin: Pagkatapos ng bautismo, kailangan mong patuloy na magbasa ng Bibliya at pag-isipan ang mga natututuhan mo.​—Awit 25:4; 119:97.

 Ang dapat mong asahan: Minsan, baka tamarin kang mag-aral. Dahil diyan, baka maisip mong hindi ka talaga “palaaral.”

 Ang puwede mong gawin: Pag-aralang mabuti ang mga paksa sa Bibliya na interesado ka. Magkaroon ng rutin ng personal na pag-aaral. Kapag makatotohanan ang ginawa mong iskedyul, hindi ito magiging pabigat sa iyo. Ang goal mo ay mapalalim ang pag-ibig mo kay Jehova at sa Salita niya. Kapaki-pakinabang at masaya ang ganiyang pag-aaral.​—Awit 16:11.

 Tip: Para makinabang nang husto sa pag-aaral mo, humanap ng tahimik na lugar na hindi ka maiistorbo.

 Baka makatulong ito

 Patuloy na manalangin kay Jehova

 Sabi ng Bibliya: “Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay; sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat.”​—Filipos 4:6.

 Ibig sabihin: Nakikipag-usap sa iyo ang Diyos at nakikipag-usap ka sa kaniya. Nakikinig ka sa Diyos kapag binabasa mo ang Salita niya; nakikipag-usap ka sa kaniya kapag nananalangin ka. Ayon sa teksto, puwede kang humingi ng mga pangangailangan mo at magpasalamat sa mga pagpapalang tinatanggap mo.

 Ang dapat mong asahan: Minsan, baka pakiramdam mo paulit-ulit na lang ang panalangin mo. Baka magsimula ka pa ngang magduda kung pinapakinggan ba talaga ni Jehova ang mga panalangin mo, o kung gusto ba talaga niyang makinig sa iyo.​—Awit 10:1.

 Ang puwede mong gawin: Sa buong araw, mag-isip ng mga bagay na puwede mong ipanalangin. Kung wala ka pa sa kalagayang ipanalangin lahat iyon, tandaan mo na lang muna iyon, at saka ipanalangin sa ibang oras. Bukod sa mga alalahanin mo, ipanalangin din ang mga pangangailangan ng iba.​—Filipos 2:4.

 Tip: Kung napapansin mong nagiging paulit-ulit na ang panalangin mo, sabihin mo ito kay Jehova. Gusto niyang marinig ang lahat ng alalahanin mo, kasama na ang problema mo sa pananalangin.​—1 Juan 5:14.

 Baka makatulong ito

 Patuloy na ituro sa iba ang mga paniniwala mo

 Sabi ng Bibliya: “Laging bigyang-pansin ang sarili mo at ang itinuturo mo. . . . Dahil sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.”​—1 Timoteo 4:16.

 Ibig sabihin: Kapag itinuturo mo sa iba ang mga paniniwala mo, napapatibay mo rin ang pananampalataya mo. Dahil diyan, maililigtas mo ang mga nakikinig sa iyo, pati na ang buhay mo.

 Ang dapat mong asahan: Minsan, baka mawalan ka ng gana na sabihin sa iba ang mga paniniwala mo. Puwede ka ring matakot na gawin ito, lalo na sa school.

 Ang puwede mong gawin: Maging determinadong labanan ang mga negatibong damdamin, gaya ng takot, at huwag mong hayaan na maapektuhan nito ang mga desisyon mo. Isinulat ni apostol Pablo: “Kahit [inihahayag ko ang mabuting balita] nang labag sa kalooban ko, nasa akin pa rin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa akin.”​—1 Corinto 9:16, 17.

 Tip: Magpaalam sa mga magulang mo, at humanap ng mentor—isang kapatid na magandang halimbawa sa ministeryo.​—Kawikaan 27:17.

 Baka makatulong ito

 Patuloy na dumalo sa mga pulong

 Sabi ng Bibliya: “Isipin natin ang isa’t isa para mapasigla natin ang bawat isa na magpakita ng pag-ibig at gumawa ng mabuti, at huwag nating pabayaan ang pagtitipon natin.”​—Hebreo 10:24, 25.

 Ibig sabihin: Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit tayo dumadalo ay para sambahin si Jehova. Pero may magandang epekto rin sa atin ang pagdalo sa pulong. Una, mapapatibay ka ng mga kapatid. Ikalawa, puwede mo silang mapatibay sa pagdalo mo, mga bahagi, at mga komento.​—Roma 1:11, 12.

 Ang dapat mong asahan: Minsan, baka lumipad ang isip mo habang nagpupulong, kaya baka hindi ka makinabang sa mga itinuturo dito. O baka dahil sa dami ng ginagawa mo, halimbawa sa school, maisip mong huwag nang dumalo.

 Ang puwede mong gawin: Huwag mong pabayaan ang mga gawain mo sa school, pero maging determinadong maging regular sa pagdalo sa mga pulong. Gawin mong goal na makinabang nang husto sa mga ito. At sikaping makapagkomento. Pagkatapos ng pulong, pasalamatan ang kahit isa sa mga nagbahagi o nagkomento.

 Tip: Maghanda bago dumalo. I-download ang JW Library® app, at gamitin ang tab na “Meetings” para makita ang mga tatalakayin sa pulong.

 Baka makatulong ito