Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 4: Paano Ko Ipaliliwanag ang Aking Paniniwala sa Paglalang?

Paglalang o Ebolusyon?—Bahagi 4: Paano Ko Ipaliliwanag ang Aking Paniniwala sa Paglalang?

Naniniwala ka sa paglalang, pero nahihiya kang malaman ito ng iba. Baka itinuturo sa mga textbook ninyo ang ebolusyon at nag-aalala kang baka pagtawanan ka ng mga titser at kaklase mo. Paano ka magkakalakas ng loob na sabihin at ipaliwanag ang paniniwala mo sa paglalang?

 Kaya mo ’yan!

Baka isipin mo: ‘Hindi ako gano’n katalino para i-discuss ang science at ipagtanggol ang paglalang sa mga debate.’ Ganiyan ang nasa isip ni Danielle noon. “Ayokong kontrahin ang titser at mga kaklase ko,” ang sabi niya. Sang-ayon dito si Diana, “Nalilito ako kapag nangangatuwiran sila at gumagamit ng mga termino sa science.”

Pero ang tunguhin mo naman ay hindi para manalo sa mga argumento. At ang maganda rito, hindi kailangang maging genius ka sa science para maipaliwanag kung bakit naniniwala kang ang paglalang ang makatuwirang paliwanag sa paglitaw ng uniberso.

Tip: Gamitin ang simpleng pangangatuwiran ng Bibliya sa Hebreo 3:4: “Bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”

Ganito ipinaliliwanag ni Carol ang simulain sa Hebreo 3:4: “Halimbawang naglalakad ka sa masukal na gubat. Wala ka man lang makitang anumang ebidensiya na may tao roon. Pagkatapos, yumuko ka at nakakita ka ng isang toothpick. Ano ang konklusyon mo? Marami ang magsasabi, ‘May taong nanggaling dito.’ Kung ang isang maliit at walang-halagang toothpick ay ebidensiya na may taong gumawa nito, lalo na ang uniberso at ang lahat ng naroroon!”

Kung may magsasabi: “Kung totoo ang paglalang, sino naman ang lumalang sa Maylalang?”

Puwede mong isagot: “Hindi komo ’di natin naiintindihan ang lahat-lahat tungkol sa Maylalang ay nangangahulugan nang hindi siya umiiral. Halimbawa, maaaring hindi mo alam ang buong kasaysayan ng taong nagdisenyo ng cellphone mo, pero naniniwala ka pa ring may taong nagdisenyo nito, ’di ba? [Hayaang sumagot.] Napakarami nating puwedeng malaman tungkol sa Maylalang. Kung interesado ka, natutuwa akong sabihin sa ’yo ang mga natutuhan ko tungkol sa kaniya.”

 Maghanda

Sinasabi ng Bibliya na dapat kang maging “handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Kaya bigyang-pansin ang dalawang bagay na ito—kung ano ang sasabihin mo at kung paano mo ito sasabihin.

  1. Kung ano ang sasabihin mo. Mahalaga ang pag-ibig mo sa Diyos at mauudyukan ka nitong magsalita. Pero hindi sapat na basta mo lang sasabihin kung gaano mo kamahal ang Diyos para mapaniwala sila na ang Diyos ang lumalang ng lahat ng bagay. Baka mas mabuting gumamit ka ng mga halimbawa mula sa kalikasan para ipakita kung bakit makatuwirang maniwala sa paglalang.

  2. Kung paano mo ito sasabihin. Magkaroon ng kumpiyansa, pero huwag maging magaspang o mayabang. Mas pakikinggan ka ng mga tao kung magiging maingat ka sa pagsasalita tungkol sa kanilang mga paniniwala at igagalang mo ang kanilang karapatan na gumawa ng sariling konklusyon.

    “Para sa akin, mahalagang huwag mang-insulto o magmarunong. Hindi makatutulong kung ang pagsasalita natin ay may halong kayabangan.”—Elaine.

 Mga pantulong para maipaliwanag ang paniniwala mo

Ang pagiging handa sa pagtatanggol ng iyong paniniwala ay katulad din ng pagiging handa sa pagbabago ng lagay ng panahon

“Kung hindi tayo handa,” ang sabi ng tin-edyer na si Alicia, “mananahimik na lang tayo para ’di-mapahiya.” Gaya ng ibig sabihin ni Alicia, napakahalagang maghanda para magtagumpay. Sinabi ni Jenna, “Mas komportable akong ipakipag-usap ang tungkol sa paglalang kapag may nakahanda akong simple pero pinag-isipang halimbawa para suportahan ang paniniwala ko.”

Saan ka makakakita ng gayong mga halimbawa? Maraming kabataan ang nagtagumpay sa paggamit ng sumusunod na materyal:

Baka makatulong din kung rerepasuhin mo ang nakaraang mga artikulo sa seryeng, “Paglalang o Ebolusyon?”

  1. Bahagi 1: Bakit Dapat Maniwala sa Diyos?

  2. Bahagi 2: Bakit Dapat Kuwestiyunin ang Ebolusyon?

  3. Bahagi 3: Bakit Dapat Maniwala sa Paglalang?

Tip: Pumili ng mga halimbawang nakakakumbinsi sa iyo. Mas madali mong matatandaan ang mga ito, at masasabi mo iyon nang may kombiksiyon. Praktisin kung paano mo ipaliliwanag ang paniniwala mo.