Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ako Makakapili ng Mabuting Role Model?

Paano Ako Makakapili ng Mabuting Role Model?

“Kapag may mga problema ako sa school, iniisip ko ang taong hinahangaan ko na dumaan din sa ganoong mga sitwasyon. Pagkatapos, sinisikap kong tularan ang halimbawa niya. Mas madaling harapin ang mahihirap na sitwasyon kapag may role model ka.”—Haley.

Makakatulong ang role model para makaiwas ka sa mga problema at maabot mo ang mga tunguhin mo. Ang susi ay pumili ng mabuting role model.

 Bakit dapat maging maingat sa pagpili?

  • Ang pinili mong role model ay makaiimpluwensiya sa pagkilos mo.

    Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano na obserbahan ang mabubuting huwaran. Sinasabi nito: “Habang dinidili-dili ninyo ang kinalalabasan ng kanilang paggawi ay tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.”—Hebreo 13:7.

    Tip: Dahil puwede kang mapabuti o mapasamâ depende sa pipiliin mong role model, piliin ang mga may kahanga-hangang ugali, hindi lang ang mga sikat o kaedaran mo.

    “Marami akong natutuhan sa kapananampalataya kong si Adam—mula sa kaniyang ugali at paggawi. Hanggang ngayon, natatandaan ko pa rin ang espesipikong mga bagay na sinabi at ginawa niya. Wala siyang ideya kung gaano kalaki ang naging epekto niya sa akin.”—Colin.

  • Ang pinili mong mga role model ay makaaapekto sa pag-iisip at saloobin mo.

    Sinasabi ng Bibliya: “Huwag kayong palíligaw. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.

    Tip: Piliin ang may magagandang ugali, hindi lang ang magaganda o guwapo. Kung panlabas na anyo ang batayan mo, madi-disappoint ka lang.

    “Magiging pangit at maliit ang tingin mo sa sarili mo kapag lagi mong ikinukumpara ang sarili mo sa magaganda o guwapo. Baka maging obsessed ka sa hitsura mo.”—Tamara.

    Pag-isipan ito: Ano ang mga panganib kung mga celebrity at atleta ang pipiliin mong maging role model?

  • Ang pinili mong mga role model ay puwedeng makatulong o makahadlang sa pag-abot mo sa mga tunguhin.

    Sinasabi ng Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.”—Kawikaan 13:20.

    Tip: Pumili ng mga role model na may mga katangiang gusto mong ipakita. Habang inoobserbahan mo sila, matututo ka ng espesipikong mga hakbang na puwede mong gawin para abutin ang tunguhin mo.

    “Sa halip na magtakda ng malabong tunguhin gaya ng ‘Gusto kong maging mas responsable,’ puwede mong sabihin, ‘Gusto kong maging mas responsable gaya ni Jane. Lagi siyang nasa oras at sineseryoso niya ang mga atas niya.’”—Miriam.

    Tandaan: Kapag pumipili ka ng mabuting role model, ikaw ang humuhubog sa pagkatao mo.

Ang pagsunod sa mabuting role model ay parang shortcut sa pag-abot sa mga tunguhin mo!

 Kung paano pipili

Puwede kang pumili ng role model sa dalawang paraan.

  1. Puwede kang pumili ng katangian na gusto mong pasulungin at saka humanap ng taong hinahangaan mo na may ganoong katangian.

  2. Puwede kang pumili ng taong hinahangaan mo at saka pumili ng katangian niya na gusto mong tularan.

Matutulungan ka ng worksheet na nasa artikulong ito para magawa iyan.

Puwede mong maging role model ang:

  • Ibang kabataan. “Gusto kong gayahin ang best friend ko. Lagi siyang may panahon para sa iba. Mas bata siya sa akin, pero may mga katangian siya na wala ako, kaya gusto kong tularan ang halimbawa niya.”—Miriam.

  • Mga nakatatanda. Kasama rito ang mga magulang mo o kapananampalataya. “Role model ko ang mga magulang ko. May magaganda silang katangian. Nakikita ko ang mga pagkakamali nila, pero nakikita ko rin na nananatili silang tapat sa kabila ng mga ito. Kapag inabot ko ang edad nila, gusto kong ganiyan din ang masabi tungkol sa akin.”—Annette.

  • Mga karakter sa Bibliya. “Pumili ako ng ilang role model mula sa Bibliya—sina Timoteo, Ruth, Job, Pedro, ang batang babaeng Israelita—na may kani-kaniyang magandang halimbawa. Habang mas marami akong natututuhan tungkol sa mga karakter sa Bibliya, lalo silang nagiging totoo sa akin. Gustong-gusto kong pag-aralan ang mga kuwento sa aklat na Tularan ang Kanilang Pananampalataya, pati na ang ‘Indise ng Mabuting Halimbawa’ sa dalawang tomo ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.”—Melinda.

Tip: Pumili ng higit sa isang role model. Sinabi ni apostol Pablo sa mga kapuwa niya Kristiyano: “Ituon ang inyong mata doon sa mga lumalakad sa paraang kaayon ng halimbawang nakita ninyo sa amin.”—Filipos 3:17.

Alam mo ba? Puwede ka ring maging role model! Sinasabi ng Bibliya: “Sa mga tapat ay maging halimbawa ka sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.”—1 Timoteo 4:12.

“Kahit may pinasusulong ka pang mga katangian, matutulungan mo na ang iba na sumulong din. Malay mo, inoobserbahan ka na ng iba, at posibleng ang sinasabi mo ay makapagpabago nang malaki sa buhay niya.”—Kiana.