Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Perfectionist Ba Ako?

Perfectionist Ba Ako?

Kung

  • gusto mong laging perfect ang exam mo

  • umiiwas ka sa bagong responsibilidad dahil takót kang magkamali

  • ang tingin mo ay sinisiraan ka kapag pinagsasabihan ka

. . . , malamang na oo ang sagot mo sa tanong na iyan. Pero mahalaga ba talaga kung perfectionist ka o hindi?

 Ano ang mali sa pagiging perfectionist?

Walang mali kung ginagawa mo ang iyong buong makakaya. Pero, “malaki ang pagkakaiba ng realistikong pagsisikap na maging magaling at ng di-makatotohanang pag-abot sa mga bagay na imposible,” ang sabi ng aklat na Perfectionism—What’s Bad About Being Too Good? Dagdag pa nito: “Ang pagiging perfectionist ay isang pabigat, dahil aminin na natin, walang taong perpekto.”

Sang-ayon diyan ang Bibliya. Sinasabi nito: “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti.” (Eclesiastes 7:20) Dahil hindi ka perpekto, hindi laging kahanga-hanga ang nagagawa mo.

Nahihirapan ka bang tanggapin iyan? Kung oo, alamin ang apat na puwedeng maging epekto sa iyo ng pagiging perfectionist—at hindi ito nakabubuti.

  1. Kung ano ang tingin mo sa iyong sarili. Masyadong mataas ang tingin sa sarili ng mga perfectionist, at nauuwi ito sa pagkabigo. “Ang totoo, hindi tayo magiging magaling sa lahat ng bagay, at kung mamaliitin natin ang ating sarili dahil hindi tayo perpekto, mawawalan tayo ng tiwala sa sarili. Nakakadepres ’yon.”—Alicia.

  2. Kung ano ang tingin mo sa payo. Kadalasan na, ang tingin ng isang perfectionist sa payo ay paninira sa kaniyang reputasyon. “Kapag pinagsasabihan ako, naiinis ako,” ang sabi ng kabataang si Jeremy. Dagdag pa niya, “Kapag perfectionist ka, hindi mo matanggap na may limitasyon ka at hindi ka tumatanggap ng tulong.”

  3. Kung ano ang tingin mo sa iba. Ang mga perfectionist ay madalas na namumuna, at madaling makita kung bakit. “Kapag iniisip mong hindi ka nagkakamali, gano’n din ang inaasahan mo sa iba,” ang sabi ng 18-anyos na si Anna. “Kaya sa tuwing magkakamali sila, palagi kang madidismaya sa kanila.”

  4. Kung ano ang tingin ng iba sa iyo. Kung sobrang taas ng inaasahan mo sa iba, huwag kang magtaka kung lalayuan ka nila! “Imposibleng sabayan ang standard ng isang perfectionist,” ang sabi ng kabataang si Beth. “Walang gustong sumama sa ganiyang tao!”

 May mas maganda bang katangian kaysa sa pagiging perfectionist?

Sinasabi ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Ang isang taong makatuwiran ay hindi naghahanap nang higit sa magagawa niya at ng iba.

“Ang dami nang problema sa paligid. Bakit mo pa daragdagan dahil sa gusto mong maging perfect ang lahat? Ang hirap kaya no’n!”—Nyla.

Sinasabi ng Bibliya: “Maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos!” (Mikas 6:8) Alam ng mga taong mahinhin ang kanilang limitasyon. Hindi sila tumatanggap ng gawain na higit sa kaya nilang gawin; ni gumugugol sila ng sobrang panahon sa isang trabaho kaysa sa kaya nilang ilaan.

“Gusto kong magampanan nang maayos ang mga responsibilidad ko, kaya tumatanggap lang ako ng trabahong kaya kong tapusin. Hindi ko naman kayang gawin lahat.”—Hailey.

Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan.” (Eclesiastes 9:10) Kaya hindi katamaran ang solusyon sa pagiging perfectionist; kundi kasipagan, pero kasama rito ang mga katangiang binanggit sa itaas—pagiging makatuwiran at mahinhin.

“Kapag may trabaho ako, ginagawa ko ang aking buong makakaya. Alam kong hindi ’yon magiging perfect, pero masaya ako kasi ginawa ko ang lahat.”Joshua.