Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Bakit Magandang Dumalo sa mga Pulong sa Kingdom Hall?

Bakit Magandang Dumalo sa mga Pulong sa Kingdom Hall?

Dalawang beses sa isang linggo, nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova sa mga lugar ng pagsamba nila na tinatawag na Kingdom Hall. Ano ang nangyayari doon, at bakit makikinabang ka sa pagdalo?

 Ano’ng mayroon sa Kingdom Hall?

Ang Kingdom Hall ay isang sentro na nagtuturo ng praktikal na edukasyon mula sa Bibliya. Ang mga pulong doon ay makakatulong sa iyo na:

  • malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos.

  • maintindihan ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon.

  • maging mas mabuting tao.

  • makahanap ng pinakamabuting mga kaibigan.

Alam mo ba? Tinawag na Kingdom Hall ang lugar kung saan nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova dahil madalas talakayin doon ang Kaharian ng Diyos.—Mateo 6:9, 10; 24:14; Lucas 4:43.

 Bakit magandang pumunta ka?

Makakatulong sa iyo ang mga tinatalakay roon. Ang mga simulain sa Bibliya na tinatalakay sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova ay makakatulong sa iyo na ‘magtamo ng karunungan.’ (Kawikaan 4:5) Ibig sabihin, matutulungan ka ng Bibliya na gumawa ng magagandang desisyon sa buhay. Makakatulong din ito sa iyo na masagot ang mahahalagang tanong sa buhay, gaya ng:

Ang mga ito ay ilan lang sa pamagat ng mga pahayag na ibinibigay sa aming mga pulong kapag weekend:

  • Bakit Dapat Mong Gawing Patnubay ang Bibliya?

  • Saan Ka Makakakuha ng Tulong sa Panahon ng Kabagabagan?

  • Kung Ano ang Ginagawa Ngayon ng Kaharian ng Diyos Para sa Atin.

“Dumalo sa pulong ang kaklase ko. Tumabi siya sa pamilya ko, at ipinagamit namin sa kaniya ang mga libro namin. Pagkatapos, sinabi niya na hangang-hanga siya sa mga komento sa mga bahagi na puwedeng makibahagi ang mga dumalo. Sinabi rin niya na sa simbahan nila, wala silang materyal na pinag-aaralan na kagaya ng sa atin.”—Brenda.

Alam mo ba? Walang bayad ang pagdalo sa Kingdom Hall, at walang nangongolekta ng donasyon.

Mapapatibay ka sa samahan. Sinasabi sa Bibliya na ang isang dahilan kaya dapat magtipon ang mga Kristiyano ay para ‘magpatibayang-loob sa isa’t isa.’ (Hebreo 10:24, 25) Sa panahon ngayon na marami ang makasarili, nakagiginhawa ang mabuting pakikipagsamahan sa mga taong inuuna ang Diyos at ang kapuwa kaysa sa sarili.

“Pagkatapos ng maghapon, minsan nalulungkot ako at pagód, pero laging gumaganda ang pakiramdam ko dahil sa mga tao sa Kingdom Hall. Pag-uwi, masaya ako at handa na namang harapin ang susunod na araw.”—Elisa.

Alam mo ba? Mahigit 120,000 ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo, na nagtitipon sa mahigit 60,000 lokasyon. Taon-taon, may average na mga 1,500 Kingdom Hall ang itinatayo dahil sa pagdami ng mga dumadalo. a

a Para makahanap ng lugar ng pulong, pumunta sa seksiyong “Pulong ng Kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova” at i-click ang “Humanap ng Lokasyong Malapit sa Inyo.”