TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Sasanayin ang Konsensiya Ko?
Saan maikukumpara ang konsensiya mo?
sa compass
sa salamin
sa kaibigan
sa hukom
Ang tamang sagot ay lahat sila. Ipapaliwanag sa artikulong ito kung bakit.
Ano ang konsensiya?
Ang konsensiya ay ang panloob na pagkadama ng tama at mali. Sinasabi ng Bibliya na gaya ito ng isang ‘kautusan na nakasulat sa puso.’ (Roma 2:15) Ang mabuting konsensiya ay tutulong sa iyo na suriin ang isang bagay na gagawin mo pa lang o nagawa mo na.
Ang konsensiya mo ay gaya ng isang compass. Ituturo nito sa iyo ang tamang direksiyon para maiwasan mo ang mga problema.
Ang konsensiya mo ay gaya ng isang salamin. Ipinapakita nito sa iyo kung ano ang pamantayan mo sa moral at kung sino ka talaga.
Ang konsensiya mo ay gaya ng isang mabuting kaibigan. Bibigyan ka nito ng magandang payo para magtagumpay—kung pakikinggan mo ito.
Ang konsensiya mo ay gaya ng isang hukom. Hahatulan ka nito kapag gumawa ka ng mali.
Tandaan: Matutulungan ka ng konsensiya mo para (1) gumawa ng matatalinong desisyon at (2) ayusin ang mga pagkakamali mo.
Bakit kailangang sanayin ang konsensiya?
Sinasabi sa atin ng Bibliya: “Panatilihin ninyong malinis ang konsensiya ninyo.” (1 Pedro 3:16) Mahirap iyang gawin kapag hindi nasanay ang konsensiya mo.
“Nagsisinungaling ako sa mga magulang ko kapag tinatanong nila kung nasaan ako. N’ong una, nakokonsensiya pa ako. Pero n’ong huli, parang normal na lang sa akin ang ginagawa ko.”—Jennifer.
Bandang huli, napakilos si Jennifer ng konsensiya niya na aminin sa kaniyang mga magulang ang ginagawa niya at huwag na ulit magsinungaling.
Pag-isipan: Kailan sana sinunod ni Jennifer ang konsensiya niya?
“Mahirap at nakaka-stress magpanggap. Kapag hinayaan ka ng konsensiya mo na gumawa ng isang maling desisyon, mas madali na lang gumawa ng isa pang maling desisyon.”—Matthew.
May ilang tao na hindi na talaga pinapakinggan ang konsensiya nila. Sinasabi ng Bibliya na “hindi na sila nakokonsensiya.” (Efeso 4:19) Ganito ang pagkakasalin ng Magandang Balita Biblia: “Wala na silang kahihiyan.”
Pag-isipan: Mas napapabuti ba ang mga taong hindi nakokonsensiya sa mali nilang ginawa? Anong mga problema ang siguradong haharapin nila bandang huli?
Tandaan: Para magkaroon ng mabuting konsensiya, kailangan mong sanayin ang ‘kakayahan mong umunawa, para makilala ang tama at mali.’—Hebreo 5:14.
Paano sasanayin ang konsensiya?
Para masanay mo ang iyong konsensiya, kailangan mo ng isang pamantayan, at dito mo ikukumpara ang mga ginagawa mo. Sinusunod ng ilan ang pamantayan ng:
pamilya at kultura
mga kaibigan
mga sikát na tao
Pero di-hamak na mas maganda ang pamantayan na mula sa Bibliya. Hindi iyan nakakapagtaka, dahil ang Bibliya ay “mula sa Diyos,” ang lumalang sa atin at nakakaalam ng pinakamabuti para sa atin.—2 Timoteo 3:16.
Tingnan ang ilang halimbawa.
PAMANTAYAN: “Gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.”—Hebreo 13:18.
Paano nito maaapektuhan ang konsensiya mo kapag natutukso kang mangopya sa exam, magsinungaling sa iyong magulang, o magnakaw?
Kung pinapakilos ka ng konsensiya mo na maging tapat sa lahat ng bagay, ano sa tingin mo ang pakinabang nito sa iyo ngayon at sa hinaharap?
PAMANTAYAN: “Tumakas kayo mula sa seksuwal na imoralidad.”—1 Corinto 6:18.
Paano nito maaapektuhan ang konsensiya mo kapag natutukso kang tumingin sa pornograpya o makipag-sex nang hindi kasal?
Kung pinapakilos ka ng konsensiya mo na tumakas sa seksuwal na imoralidad, paano ka makikinabang ngayon at sa hinaharap?
PAMANTAYAN: “Maging mabait kayo sa isa’t isa at tunay na mapagmalasakit, at lubusan ninyong patawarin ang isa’t isa.”—Efeso 4:32.
Paano ka nito maaapektuhan kapag nagkaproblema kayo ng kapatid mo o ng kaibigan mo?
Kung pinapakilos ka ng konsensiya mo na maging mapagmalasakit at mapagpatawad, paano ka makikinabang ngayon at sa hinaharap?
PAMANTAYAN: “Napopoot [si Jehova] sa sinumang mahilig sa karahasan.”—Awit 11:5.
Paano ito dapat makaapekto sa pinipili mong pelikula, palabas sa TV, at video game?
Kung pinapakilos ka ng konsensiya mo na umiwas sa mararahas na libangan, paano ka makikinabang ngayon at sa hinaharap?
KARANASAN: “May mga kaibigan ako na naglalaro ng mararahas na video game, at naglalaro rin ako n’on. ’Tapos, sinabi ng tatay ko na tumigil na ’ko sa paglalaro ng mga ’yon. Kaya naglalaro na lang ako n’on kapag nandoon ako sa mga kaibigan ko. Pag-uwi ko, wala akong binabanggit tungkol d’on. Kapag tinatanong ni Tatay kung may problema ako, sinasabi kong okey lang ako. Pero isang araw, nabasa ko ang Awit 11:5, at nakonsensiya ako sa ginagawa ko. Na-realize ko na kailangan ko nang ihinto ang paglalaro ng mga game na ’yon. Kaya huminto na talaga ako. Nakita ’yon ng isa kong kaibigan, kaya huminto na rin siya sa paglalaro ng mararahas na video game.”—Jeremy.
Pag-isipan: Kailan nagsimulang gumana ang konsensiya ni Jeremy, at kailan niya ito pinakinggan? Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Jeremy?
Tandaan: Ipinapakita ng konsensiya mo kung sino ka talaga at kung ano ang pinapaniwalaan mo. Ano ang sinasabi ng konsensiya mo tungkol sa iyo?