TANONG NG MGA KABATAAN
Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol sa Seksuwal na Pagsalakay?—Bahagi 1: Pag-iingat
Ano ba ang seksuwal na pagsalakay?
Bagaman sa iba’t ibang lugar ay iba-iba ang legal na depinisyon ng terminong “seksuwal na pagsalakay” [sexual assault], maaari itong tumukoy sa seksuwal na gawaing labag sa kalooban at kung minsan ay ginagamitan ng dahas. Kabilang dito ang seksuwal na pang-aabuso sa bata o kabataan, insesto, rape, at seksuwal na pananamantala ng propesyonal na pinagkakatiwalaan—marahil isang doktor, guro, o miyembro ng simbahan. Ang ilang biktima, na maaaring inabuso sa berbal o pisikal na paraan, ay pinagbabantaan kung magsusumbong sila.
Ayon sa isang surbey, taon-taon sa Estados Unidos pa lang, halos 250,000 na ang nagrereport na dumanas sila ng seksuwal na pagsalakay. Halos kalahati sa mga ito ay edad 12 hanggang 18.
Ang dapat mong malaman
Hinahatulan ng Bibliya ang seksuwal na pagsalakay. Sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa isang pangkat ng mga haling sa sekso na gustong manghalay sa dalawang lalaking dumalaw sa lunsod ng Sodoma mga 4,000 taon na ang nakararaan—isang dahilan kung bakit pinuksa ni Jehova ang lunsod na iyon. (Genesis 19:4-13) At sa Kautusan na ibinigay kay Moises mga 3,500 taon na ang nakararaan, ipinagbawal ang insesto, kabilang dito ang seksuwal na pagsalakay sa isang kapamilya.—Levitico 18:6.
Karamihan sa mga pagsalakay ay kagagawan ng kakilala ng biktima. “Sa dalawa sa bawat tatlong kaso ng rape, kilalá ng biktima ang nanghalay sa kaniya,” ang sabi ng aklat na Talking Sex With Your Kids. “Hindi siya ibang tao na basta na lang lumitaw mula sa kung saan.”
Parehong nabibiktima ng seksuwal na pagsalakay ang mga lalaki at babae. Sa Estados Unidos, mga 10 porsiyento ng biktima ay lalaki. Ayon sa Rape, Abuse & Incest National Network (RAINN), ang mga lalaking biktima ay “maaaring dumanas ng takot na baka maging bakla sila dahil sa pagsalakay” o na “nabawasan ang kanilang pagkalalaki.”
Hindi na nakakagulat ang pagtaas ng bilang ng seksuwal na pagsalakay. Inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw,” maraming tao ang “walang likas na pagmamahal” at magiging “mabangis” at “walang pagpipigil sa sarili.” (2 Timoteo 3:1-3) Kitang-kita ang mga ugaling iyan sa mga taong nananamantala sa iba sa seksuwal na paraan.
Ang seksuwal na pagsalakay ay hindi kasalanan ng biktima. Walang sinuman ang nararapat pagsamantalahan. Kasalanan ito ng sumalakay at siya lang ang dapat sisihin. Pero may magagawa ka para makaiwas sa seksuwal na pagsalakay.
Ang puwede mong gawin
Maging handa. Magpasiya nang patiuna kung ano ang gagawin mo kapag pinilit ka ng kahit sino—ka-date mo man o kamag-anak—na gumawa ng seksuwal na gawain. Inirerekomenda ng babaeng si Erin na bilang paghahanda sa anumang klase ng panggigipit, puwede mong isadula ang posibleng mga sitwasyon at kung paano ka magre-react. “Parang katawa-tawa ito,” ang sabi niya, “pero mas malamang na hindi ka mabiktima sa totoong buhay.”
Sabi ng Bibliya: “Manatili kayong mahigpit na nagbabantay na ang inyong paglakad ay hindi gaya ng di-marurunong kundi gaya ng marurunong, . . . sapagkat ang mga araw ay balakyot.”—Efeso 5:15, 16.
Tanungin ang sarili: ‘Ano ang gagawin ko kung may humawak sa akin sa paraang nakakaasiwa?’
Magplano kung paano makakaalis. Iminumungkahi ng RAINN na “magkaroon ng salitang gagamitin mo sa iyong mga kaibigan o kapamilya kapag hindi ka na komportable, para matawagan mo sila at masabi ang sitwasyon nang hindi nalalaman ng taong kasama mo. Sa gayon ay masusundo ka ng iyong mga kaibigan o kapamilya o makapagdadahilan sila para makaalis ka.” Pero maiiwasan mo ang malaking sakit ng ulo kung sa simula pa lang, iiwas ka na sa mga alanganing sitwasyon.
Sabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”—Kawikaan 22:3.
Tanungin ang sarili: ‘Ano ang plano ko para makaalis?’
Magtakda ng hangganan—at sundin iyon. Halimbawa, kung mayroon ka nang kasintahan, pag-usapan ninyo kung ano ang angkop at di-angkop na paggawi. Kung para sa kaniya ay kalokohan lang ang pagtatakda ng hangganan, maghanap ka na ng ibang kasintahan—isa na may paggalang sa iyong mga prinsipyo.
Sabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay . . . hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Corinto 13:4, 5.
Tanungin ang sarili: ‘Ano ba ang mga prinsipyo ko? Anong paggawi ang maituturing na hindi disente?’