TANONG NG MGA KABATAAN
Kumusta Naman ang Tungkol sa Virginity Pledge?
Ano ba ang virginity pledge?
Ang virginity pledge ay isang isinusulat o binibigkas na pangakong hindi makikipag-sex hangga’t di-kasal.
Nauso ang virginity pledge noong mga taon ng 1990 nang pasimulan ng Southern Baptist Convention sa Estados Unidos ang “True Love Waits” (“Makapaghihintay ang Tunay na Pag-ibig”)—isang programa ng pinagsamang mga pamantayan ng Bibliya at ng impluwensiya ng mabubuting kasama para matulungan ang mga kabataan na huwag makipag-sex bago ang kasal.
Sa isa pang programang katulad nito, ang mga nanata ay binigyan ng pilak na singsing bilang simbolo (at tagapagpaalaala) ng kanilang panatang hindi sila makikipag-sex bago ang kasal.
May bisa ba ang virginity pledge?
Ang sagot ay depende sa tinatanong.
Ayon sa mga mananaliksik na sina Christine C. Kim at Robert Rector, “natuklasan ng ilang pag-aaral na ang virginity pledging ng mga kabataan ay nagpapabagal o nagpapabawas sa pagiging aktibo nila sa sex.”
Ayon naman sa pagsasaliksik na inilathala ng Guttmacher Institute, ipinakikita ng mga pag-aaral na “ang mga tin-edyer na gumawa ng virginity pledge ay malamang na makipag-sex din gaya ng mga di-nanata.”
Bakit magkasalungat ang resulta?
Sa ilang pag-aaral, ang pinagkumpara ay ang mga nanata at ang mga di-nanata na magkaiba ang paniniwala tungkol sa sex.
Sa ibang pag-aaral naman, ang pinagkumpara ay ang mga nanata at ang mga di-nanata na magkapareho ang paniniwala tungkol sa sex.
Ano ang isiniwalat ng huling nabanggit na pag-aaral? Sinabi ni Dr. Janet Rosenbaum, espesyalista sa mga isyung pangkalusugan sa mga tin-edyer, na pagkalipas ng limang taon, “ang mga nanata ay wala nang ipinagkaiba sa mga di-nanata pagdating sa seksuwal na gawain.”
Ang mas magandang gawin
Ang mga programa tungkol sa virginity pledge ay may marangal na tunguhin. Ang problema, hindi nito naitatanim sa isip ng mga kabataan ang mga pamantayang kailangan para matupad nila ang kanilang pangako. Marami sa mga nangakong mananatili silang virgin “ang hindi talaga seryoso sa kanilang panata,” ang sabi ni Dr. Rosenbaum. “Ang pag-iwas ay dapat magmula sa personal na paninindigan at hindi sa pagsali sa isang programa.”
Idiniriin ng Bibliya ang gayong personal na paninindigan, hindi sa paghimok sa isa na gumawa ng isinusulat o binibigkas na panata, kundi sa pagtulong sa kaniya na ‘masanay ang kaniyang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ (Hebreo 5:14) Kung sa bagay, ang pananatiling virgin ay hindi lang para makaiwas sa sakit at pagdadalang-tao; isang paraan ito ng pagpapakita ng paggalang sa Maylikha ng pag-aasawa.—Mateo 5:19; 19:4-6.
Ang mga pamantayan ng Bibliya ay para sa ating kapakinabangan. (Isaias 48:17) Oo, lahat ng tao—anuman ang edad—ay puwedeng magkaroon ng determinasyong sundin ang utos ng Diyos na “tumakas . . . mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Sa gayon, kapag nag-asawa sila, magiging marangal ang pagsasama nilang mag-asawa, nang walang pangamba at pagsisisi na madalas na resulta ng pakikipag-sex bago ang kasal.