Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Galacia 6:9—“Huwag Tayong Mapagod sa Paggawa ng Mabuti”

Galacia 6:9—“Huwag Tayong Mapagod sa Paggawa ng Mabuti”

 “Huwag tayong tumigil sa paggawa ng mabuti, dahil mag-aani tayo sa takdang panahon kung hindi tayo titigil.”​—Galacia 6:9, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko.”​—Galacia 6:9, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng Galacia 6:9

 Pinatibay ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na patuloy na gawin ang mabuti, o tama, sa paningin ng Diyos. Kung gagawin nila iyon, makakapagtiwala sila na pagpapalain sila ng Diyos.

 “Huwag tayong tumigil.” Puwedeng isalin ang pananalitang ito na “huwag tayong mapagod.” Ipinapakita sa ginamit na orihinal na wika na puwede rin itong mangahulugan na huwag panghinaan ng loob o mawalan ng gana. Isinama ni apostol Pablo ang sarili niya nang sabihin niya ang mga pananalitang ito dahil pinaglabanan din niya ang panghihina ng loob.​—Roma 7:21-24.

 Tumutukoy ang “mabuti,” o tama, sa anumang bagay na dapat gawin ng isang Kristiyano sa paglilingkod sa Diyos. Kasama na rito ang mga ginagawa ng isa para makatulong siya sa mga kapananampalataya niya at sa ibang tao.​—Galacia 6:10.

 “Mag-aani tayo sa takdang panahon kung hindi tayo titigil.” Ipinaalala ni Pablo na hindi agad makikita ang magagandang epekto ng paggawa ng mabuti, kung paanong kailangan ng panahon para tumubo ang itinanim ng magsasaka. Nang banggitin ni Pablo ang pag-aani, iniugnay niya ang tekstong ito sa binanggit ng talata 7: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya.” Ibig sabihin, kapag ang isang Kristiyano ay gumagawa ng mabuti ayon sa paningin ng Diyos, malaki ang pagpapalang tatanggapin niya. Kasama na rito ang buhay na walang-hanggan.​—Roma 2:6, 7; Galacia 6:8.

Konteksto ng Galacia 6:9

 Noong mga 50-52 C.E., sinulatan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Galacia. Gusto niya silang protektahan kasi may ilang indibidwal na nagsasabing Kristiyano sila pero binabago nila ang katotohanan tungkol kay Jesus. (Galacia 1:6, 7) Ipinipilit ng huwad na mga gurong ito na dapat sundin ng mga Kristiyano ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa bansang Israel sa pamamagitan ni Moises. (Galacia 2:15, 16) Pero ipinaliwanag ni Pablo na natupad na ang layunin ng Kautusan at hindi na ito kailangang sundin ng mga mananamba ng Diyos.​—Roma 10:4; Galacia 3:23-25.

 Nang sabihin ni Pablo sa mga Kristiyano na magpatuloy sila sa “paggawa ng mabuti,” hindi ang pagsunod sa Kautusang Mosaiko ang tinutukoy niya. Sa halip, “kautusan ng Kristo” ang sinasabi niyang tuparin nila. Kasama sa kautusang ito ang lahat ng itinuro ni Jesus tungkol sa paggawa ng mabuti.​—Galacia 6:2; Mateo 7:12; Juan 13:34.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Galacia.