Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Hebreo 11:1—“Ang Pananampalataya ay Katiyakan na Mangyayari ang Ating mga Inaasahan”

Hebreo 11:1—“Ang Pananampalataya ay Katiyakan na Mangyayari ang Ating mga Inaasahan”

 “Ang pananampalataya ay ang paghihintay sa mga bagay na may garantiya, ang malinaw na katibayan na ang hindi nakikita ay totoo.”—Hebreo 11:1, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita.”—Hebreo 11:1, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng Hebreo 11:1

 Ang talatang ito sa Kasulatan ang pinakasimpleng kahulugan ng pananampalataya. Ipinapakita nito na ang pananampalataya ay hindi lang basta paniniwala.

 “Ang pananampalataya ay ang paghihintay sa mga bagay na may garantiya.” Sa orihinal na wikang Griego, ang salita sa Hebreo 11:1 na isinaling “pananampalataya” ay nagpapahiwatig ng kumpiyansa, pagtitiwala, o pagiging kumbinsido. Ang ganitong pananampalataya ay hindi lang basta nakabatay sa gusto nating mangyari; ito ay ang “paghihintay . . . na may garantiya.” Ang salitang Griego na isinaling “paghihintay . . . na may garantiya” a ay puwede ring isaling “titulo,” na nagbibigay ng katiyakan, o pruweba, sa nagmamay-ari nito.

 “Ang pananampalataya ay . . . ang malinaw na katibayan [o, “ang nakakukumbinsing ebidensiya,” talababa] na ang hindi nakikita ay totoo.” Ang pananampalataya ay resulta ng di-matututulang katibayan. Napakatibay nito kaya nakukumbinsi ang isang tao na totoo ang isang bagay kahit hindi niya ito nakikita.

Konteksto ng Hebreo 11:1

 Ang aklat ng Bibliya na Hebreo ay isang liham na isinulat ni apostol Pablo sa mga Kristiyano noong unang siglo na nakatira sa Jerusalem at sa paligid nito. Sa bahaging ito ng liham ni Pablo, tinalakay niya ang kahalagahan ng pananampalataya. Halimbawa, isinulat niya: “Kung walang pananampalataya, imposibleng mapalugdan nang lubos ang Diyos, dahil ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya ay umiiral at nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.” (Hebreo 11:6) Matapos bigyang-kahulugan ang pananampalataya sa Hebreo 11:1, nagbigay si Pablo ng mga halimbawa ng mga lalaki at babae sa Bibliya na nagpakita ng katangiang ito. Ikinuwento niya kung paano sila nagpakita ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.—Hebreo 11:4-38.

a Ang salitang Griego na isinaling “paghihintay . . . na may garantiya” ay hy·poʹsta·sis, na sa literal ay puwedeng isaling “pundasyon, o kinatatayuan ng isang bagay.”